ITINALAGA ng Malakanyang si four-time PBA MVP at Hall of Famer Ramon ‘El Presidente’ Fernandez bilang officer-in-charge ng Philippine Sports Commission (PSC) habang nakabakasyon si Chairman William ‘Butch’ Ramirez upang alagaan ang kanyang maybahay na sumailalim sa gall bladder surgery.
Si Fernandez ay bumalik mula sa Cebu at sinimulan ang kanyang trabaho sa pagkuha ng PSC COVID-19 facilities update, at sumailalim sila ng kanyang asawa sa PCR test.
“First order of the day: PCR Test! Especially coming from the epicenter Cebu City. We want to make sure we are cleared for everyone here to feel safe, with us. God bless us all,” wika ni Fernandez sa kanyang Facebook page.
Si Fernandez ay naging lider mula sa kanyang playing days, kung saan nagsilbi siyang founding president ng PBA players union, playing-coach ng orihinal na Purefoods teams at tumakbo rin sa pagkasenador subalit hindi pinalad.
At sinabi niyang hindi na bago sa kanya ang pamunuan ang PSC dahil lahat ng commissioners ay naging OIC na sa ilang pagkakataon.
Ang iba pa niyang kapwa commissioners ay sina Celia Kiram, Charles Maxey at Arnold Agustin.
Ayon kay Fernandez, nakalatag na ang lahat ng plano ng PSC at ipagpapatuloy na lamang nila ito, kabilang ang pag-monitor sa mga programa ng mga atleta na nagkuwalipika sa Tokyo Olympics at ng mga dumadaan pa sa qualifying para makakuha ng tiket sa Tokyo Games.
Kabilang sa mga naghahangad ng Olympic berths ay sina PBA players CJ Perez at Moala Tautuaa, na kapwa miyembro ng Gilas 3×3 team na nakatakdang sumabak sa Olympic qualifiers sa Austria sa susunod na taon.
Idinagdag pa ni Fernandez na makikipag-ugnayan din sila sa Philippine Olympic Committee (POC) at sa iba’t ibang national sports associations (NSAs).
Comments are closed.