MAGIGING abala ang Angeles University Foundation Sports and Cultural Center mula Peb. 17 hanggang Peb. 22, 2021 sa pagdaraos doon ng dalawang FIBA Asia Cup Qualifiers groups na bahagi ng February bubble window.
Tatlong beses maglalaro ang Gilas Pilipinas Men, ang host squad, sa Group A play. Makakasagupa ng mga Pinoy ang South Korea sa rescheduling ng kanilang na-postpone na November window game sa Peb. 18.
Susunod na makakaharap ng Nationals ang Indonesia sa Peb. 20 bago muling kalabanin ang South Korea sa Peb. 22.
Nakaligtas ang South Korea sa anumang parusa mula sa FIBA dahil sa hindi paglalaro sa November window sa Manama, Bahrain, subalit ang koponan ay kailangang sumalang sa apat na games sa limang gabi.
Napagitnaan ng dalawang laro kontra Gilas Men ang games ng South Korea laban sa Indonesia sa Peb. 19 at Thailand sa Peb. 20 kung saan Peb. 21 lamang ang kanilang pahinga.
Maghaharap din ang Indonesia at Thailand sa Peb. 22.
Samantala, ang Guam at Hong Kong ang magiging pinakaabalang koponan sa Angeles kung saan may tig-limang laro sila sa buong bubble period.
Sa magiging second window pa lamang sa Group C play, ang dalawang naturang koponan ay unang maghaharap sa Peb. 17 sa rescheduling ng kanilang na-postpone na first window match-up.
Sasabak naman sa aksiyon ang Australia at New Zealand sa susunod na araw kung saan makakalaban nila ang Guam at Hong Kong, ayon sa pagkakasunod.
Muling magpapambuno ang Hong Kong at Guam sa Peb.19, habang magtutuos ang Australia at New Zealand sa pareho ring araw.
Ang official third window games para sa Group C ay idaraos matapos ang pahinga ng mga koponan sa Peb. 20.
Makakaharap ng New Zealand ang Guam habang makakasagupa ng Australia ang Hong Kong sa Peb. 21, ang rematches ng Peb. 18 pairings ay nakatakda sa Peb. 22.
Comments are closed.