FIBA ESPORTS OPEN SEA CONFERENCE TITLE SA PH

FIBA Esports

NAKOPO ng Filipinas noong Sabado ang outright championship sa Southeast Asia conference ng FIBA Esports Open 2020 makaraang pulbusin ang Indonesia sa Day 2 ng subregional leg ng torneo.

Makaraang madominahan ang unang dalawang laro noong Biyernes, ang PH team na pinangungunahan nina  Rocky “Rak” Brana, Philippe “Izzo” Alcaraz IV, Clark Banzon, Al “ALT” Timajo, Aljon “Shintarou” Cruzin, Rial Polog Jr., at Custer “Aguila” Galas, ay muling nanalasa sa Game 3, 66-34, upang kunin ang korona sa serye.

Sa Game 4 ay muling nagposte ang mga Pinoy ng lopsided victory, 79-44.

Dahil sa kanyang maiinit na mga kamay ay nakuha ni Rial Polog ang Most Valuable Player honors.

“Sabi lang talaga sa amin ni Coach (Nite Alparas), from first to fourth quarter, no mercy talaga. Kumbaga, ibibigay namin ‘yung todo namin,” ani Polog matapos ang Game 4 rout.

Tatangkain ng E-Gilas na makumpleto ang five-game sweep sa Indonesia sa laro na nakatakda Linggo ng gabi.

Comments are closed.