Laro ngayon:
(Caloocan Sports Complex)
5 p.m. – San Miguel vs
NorthPort
MAGAAN na dinispatsa ng Converge ang Terrafirma, 119-82, sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa PBA On Tour nitong Biyernes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Pinangunahan ni Justin Arana na may 24 points at 12 rebounds ang dalawang iba pang Converge players na kumana ng ng double-double performances habang nagtala rin si Jerrick Balanza ng 24 points bilang isa pang pantulis ng insideoutside game ng koponan na nagresulta sa tambak na panalo.
Tinampukan ng limang triples mula kay Balanza ang 18-for-46 three-point shooting ng FiberXers na siyang hinahasa ng Converge buhat nang magsimula silang mag-ensayo.
“Ngayon ang tinatrabaho namin this off-season ‘yung perimeter shooting,” sabi ni Arana, na bumuslo ng 8-for-11 mula sa field at 8-for-10 mula sa stripe.
Kuminang din si Mike Nieto, kinuha sa isang trade sa Rain or Shine kamakailan, sa kanyang Converge debut na may 12 points at 12 rebounds habang tumapos si Jeo Ambohot na may 11 markers at 11 boards.
Nagtala rin si team pillar Jeron Teng ng 12 points habang nag-ambag si Adrian Wong, na hinugot mula sa Magnolia, ng 11 points sa pagtulong sa FiberXers na maiposte ang hanggang 116-75 kalamangan, may 1:57 sa orasan.
Pinangunahan ng 17 points ni Juami Tiongson ang Dyip, na nakakuha lamang ng 12 points mula kay Kevin Ferrer at 11 kay Ed Daquioag.
-CLYDE MARIANO