FIBERXERS UMESKAPO SA BOLTS

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. – Bay Area vs San Miguel
6:45 p.m. – Magnolia vs NorthPort

NASAYANG ng Converge ang malaking kalamangan ngunit sumandal kay Maverick Ahanmisi sa huling sandali upang maitakas ang 106-99 panalo kontra Meralco at putulin ang two-game skid sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Araneta Coliseum.

Kumana si Ahanmisi ng 12 points, tampok ang 3 triples sa windup upang maitakas ng tropa ni coach Aldin Ayo ang panalo sa kabila na nasayang ang 22-point lead.

Isa sa mga beterano ng youth-laden squad, tumapos si Ahanmisi na may 21 points upang suportahan si Quincy Miller, na kumamada ng 29 points, kabilang ang isang clutch three-point play at dalawang free throws sa decisive 10-2 closeout ng Converge.

Naglaro rin ng solido sina Allyn Bulanadi (12), Jeron Teng (11) at RK Ilagan (10) at tinulungan ang FiberXers na maagang kontrolin ang laro at kunin ang 57-35 bentahe.

Ang panalo ng Converge (2-2) ay magandang regalo kay Ayo, na nagdiwang ng ika-45 kaarawan.

“It feels good especially coming from two consecutive losses and with the way we showed character. We lost a 22-point lead but we’re able to recover,” sabi ni Ayo.

Nagbuhos si Johnny O’Bryant ng 27 points ngunit hindi nakaiskor sa huling apat na minuto para sa Meralco na nahulog sa 1-3.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Converge (106) – Miller 29, Ahanmisi 21, Bulanadi 12, Teng 11, Ilagan 10, Tratter 9, Melecio 8, Stockton 4, Racal 2, Ambohot 0.
Meralco (99) – O’Bryant 27, Black 18, Maliksi 14, Caram 14, Quinto 12, Hodge 10, Pasaol 4, Johnson 0, Almazan 0, Jose 0, Pascual 0.
QS: 35-26, 68-48, 87-82, 106-99.