TAGUIG CITY – TATLONG kalalakihan ang inaresto ng pulisya kabilang ang isang Filipino-American sa buy bust operation at nahulihan ang mga ito ng high grade marijuana at ecstacy o tinatawag na party drugs na tinatayang na nagkakahalaga ng P600,000 kahapon ng madaling araw.
Ang mga suspek na naaresto ay nakilalalang sina Reggie Raphael Galang, 28, nakatira sa Brgy. Ususan, Taguig City; Joshua Cuanzon, 31, ng Malate, Manila; at alyas Yuan, 19-anyos, ng Malate, Manila.
Base sa report, ng pulisya nakatanggap ng impormasyon ang tanggapan ng Taguig City Police Drug Enforcement Unit hinggil sa ilegal na gawain ng mga suspek.
Dakong ala-1:45 ng madaling araw , nagkasa ng buy bust operation ang mga pulis laban sa mga suspek sa gasoline station sa C5 Road, Brgy. Ususan, Taguig City at unang nahuli si Yuan.
Itinuro naman nito si Cuanzon kung saan niya kinukuha ang mga droga habang inamin naman nito na siyang user lamang at kanyang kinukuha ang droga kay Galang.
Sa pahayag ng pulisya, may ginagamit umanong code ang mga suspek para makapag-usap sa social media na sila-sila lamang ang nakaaalam.
Ayon sa pulisya, nakumpiska mula sa mga suspek ang limang pirasong malalaking ziplock na naglalaman ng high grade marijuana, tatlong malalaking ziplock na naglalaman ng ecstacy powder at isang malaking ziplock na naglalaman naman ng kapsula na walang laman.
Ayon pa sa pulisya, ang high grade marijuana ay may timbang na 177 gramo at nagkakahalaga ng P212,000, samantalang ang powder ecstacy ay nasa 89.85 gramo, na may halagang P476,205.
Inaalam pa ng awtoridad kung saang mga lugar pa binabagsak ang mga droga. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.