ON TRACK ang Philippine women’s football team na makalusot sa first round ng Paris Olympic qualifiers ngayong Abril.
Ang Filipinas, ranked 53rd sa mundo at 11th sa Asia, ay nasa Pot 1 ng nalalapit na group draw sa Huwebes sa Asian Football Confederation headquarters sa Kuala Lumpur kasama ang Vietnam, Chinese Taipei, Thailand, Myanmar, Uzbekistan at India.
Nasa Pot 2 ang Iran, Jordan, Hong Kong, Indonesia, Nepal, Kyrgyzstan at Mongolia habang ang Pot 3 ay kinabibilangan ng Palestine, Singapore, Turkmenistan, Bangladesh, Lebanon, Tajikistan at Timor Leste.
Ang huling pot, ang Pot 4, ay binubuo ng Sri Lanka, Maldives, Pakistan, Bhutan at ng unranked squad Afghanistan.
Sa pagkakalagay ng FIFA Women’s World Cup-bound Filipinas sa Pot 1 ay inaasahang pangungunahan nila ang grupo kung saan sila magtatapos sa first round ng Olympic qualifiers sa April 3-11.
Ang top team sa bawat isa sa pitong first-round groups ay sasamahan ang outright second-round qualifiers North Korea, Japan, Australia, China, at South Korea sa susunod na yugto ng Road to Paris.
Ang 12 second-round teams ay hahatiin sa tatlong grupo, at ang top team mula sa bawat grupo kasama ang best second placer ay magbabakbakan para sa dalawang Olympic spots sa dalawang home-and-away playoff series.
Ang koponan na dating kilala bilang “Malditas” ay umabante sa second round ng Tokyo Olympic qualifiers subalit nabigong makapasok sa Final 4 makaraang yumuko sa Chinese Taipei sa kanilang huling laro sa nasabing round.
PNA