USA – NAGPAPATULOY ang imbestigasyon ng pulisya sa Garland City, Texas, USA sa pagkamatay ng isang nurse na tubong Benguet.
Nakilala ang biktima ng hit and run na si Joyce Cawis, 46, ng Tomay, La Trinidad, Benguet kung saan may dalawa itong anak at nagtatrabaho bilang nurse sa isang ospital sa Garland City.
Batay sa report, patungo sana ang biktima sa kanyang trabaho lulan ng kanyang sasakyan nang mabunggo ito ng isang quadcab pickup.
Nakita sa video footage ng CCTV camera na mabilis ang takbo ng nasabing pickup bago bumunggo sa biktima.
Nakita rin ang pagtakas ng driver ng pickup sa pamamagitan ng paglulan nito sa ibang sasakyan.
Dinala ang biktima sa ospital kung saan siya nagtatrabaho para sa medical treatment ngunit pumanaw rin ito.
Patuloy na inaalam ngayon ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng pickup na suspek sa kaso.
Nakatakda namang magbigay ng $5,000 ang grupong Crime Stoppers sa sinumang makapag-bibigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkahuli ng suspek. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.