‘FINAL 4’ AASINTAHIN NG LADY SPIKERS

lady spikers

Mga laro ngayon:

(Smart Araneta Coliseum)  

8 a.m. – DLSU vs AdU (Men)

10 a.m. – Ateneo vs UE (Men)

2 p.m. – AdU vs UE (Women)

4 p.m. – Ateneo vs DLSU (Women)

SISIKAPIN ng De La Salle na makumpleto ang elimination round head-to-head sweep nito sa mahigpit na katunggaling ­Ateneo at kunin ang isang ‘Final Four’ berth sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament ngayon sa Smart Ara-neta Coliseum.

Kumpiyansa si coach Ramil de Jesus na muling manonorpresa ang kanyang Lady Spikers upang putulin ang winning streak ng Lady Eagles.

Ang four-peat seeking De La Salle ay nagwagi sa kanilang unang paghaharap sa  opening weekend noong nakaraang Feb. 17, 25-14, 25-17, 16-25, 25-19, bago rumatsada ang Ateneo sa 10 sunod na panalo.

“Nakatapat na namin sila noong first round nagulat sa amin,” wika ni De Jesus. “Sana magulat ulit.”

Ang panalo sa 4 p.m. match ay maghahatid sa Lady Spikers sa ika-11 sunod na Final Four appearance.   Magbibigay-daan din ito upang makalayo ang De La Salle (8-3) sa joint third placers University of Santo Tomas at Far Eastern University (8-4) sa karera para sa ikalawang semifinals incentive.

Para sa Lady Eagles, ang panalo ay hindi lamang bilang ganti sa kanilang first round loss sa Lady Spikers kundi magseselyo rin sa kanilang No. 1 ranking at sa twice-to-beat bonus sa Final Four.

Makaraang walisin ang Adam­son University, 25-15, 25-18, 25-16, noong nakaraang Linggo, ang De La Salle ay may sapat na panahon para makapaghanda sa pinakaabangang rivalry game sa Ateneo.

Umaasa si De Jesus na mapa­ngangalagaan ng kanyang tropa ang bola laban sa Lady Eagles,  kung saan namigay ang Lady Spikers ng 20 free points sa Lady Falcons.

“Sabi ko kailangan kapag nasa loob sigurado tayo sa sarili natin kung ano ‘yung role natin sa team. Hindi pupuwede ‘yung may tumaas na bola, lumayo pagkatapos hindi natin alam sino ‘yung kukuha, dapat sigurado kung ano ‘yung trabaho, 100 percent dapat alam ninyo kung ano ‘yung role niyo sa court,” sabi ni  De Jesus.

Ang Ateneo ay galing sa 25-14, 26-24, 25-17 pagbasura sa  National University noong nakaraang Linggo, at walang ibang hangad si coach Oliver Almadro kundi ang pagbutihan ng kanyang tropa ang paglalaro sa kanilang rematch sa De La Salle.

Pasok na sa men’s Final Four, sisikapin ng Adamson University at Ateneo na mapanatiling buhay ang kanilang pag-asa para sa twice-to-beat incentive sa pagsagupa sa also-rans De La Salle at UE simula sa alas-8 ng umaga.