‘FINAL 4’ TARGET NG LETRAN, MAPUA

Mga laro ngayon:
(EAC Gym)
7:30 a.m. – Mapua vs SSC-R
9:30 a.m. – Arellano vs EAC
11:30 a.m. – LPU vs Perpetual
2:30 p.m. – LSGH vs Letran
4:30 p.m. – JRU vs San Beda

SISIKAPIN ng Letran at Mapua na selyuhan ang unang dalawang Final Four berths sa magkahiwalay na laro sa NCAA juniors basketball tournament ngayon sa EAC Gym.

Haharapin ng Squires ang streaking CSB-La Salle Green Hills sa alas-2:30 ng hapon, habang makakasagupa ng Red Robins ang mapanganib na San Sebastian sa 7:30 a.m. curtain raiser.

May magkatulad na 6-1 records, kailangan ng Letran at Mapua na manalo sa isa sa kanilang huling dalawang elimination round assignments upang umabante sa semifinals.

Hindi nalalayo ang Greenies at Staglets, na nasa joint third sa 5-2. Ang mga panalo ng LSGH at San Sebastian ay magpupuwersa sa four-way tie sa first place.

Makakabangga ng defending champion San Beda, na sa 4-3 ay target na malusutan ang kanilang huling dalawang laro at umasang makapasok sa Final Four, ang sibak nang Jose Rizal University, sa alas-4:30 ng hapon.

Magsasalpukan naman ang University of Perpetual Help System Dalta at Lyceum of the Philippines University, tangan ang magkatulad na 3-4 kartada at may maliit na pag-asang makausad sa susunod na round, sa alas-11:30 ng umaga matapos ang duelo ng Arellano University at Emilio Aguinaldo College sa alas-9:30 ng umaga.