‘FINAL FOUR’ TARGET NG LADY CHIEFS

Standings W L
*CSB 7 0
Arellano 6 1
SSC-R 4 2
Mapua 4 3
LPU 3 4
JRU 3 4
San Beda 2 4
Perpetual 2 5
EAC 2 5
Letran 1 6
*Final Four

Mga laro ngayon:
(Paco Arena)
12 noon – SSC-R vs San Beda
2:30 p.m. – EAC vs Arellano

SISIKAPIN ng titleholder Arellano University na samahan ang unbeaten College of Saint Benilde sa ‘Final Four’ sa pagsagupa sa mapanganib na Emilio Aguinaldo College sa NCAA women’s volleyball tournament ngayon sa Paco Arena.

Bago harapin ang Lady Blazers sa Sabado, nais ni coach Obet Javier na magpokus muna ang kanyang Lady Chiefs sa Lady Generals sa 2:30 p.m. match.

Sibak na sa Final Four contention makaraang malasap ang limang sunod na pagkatalo, nanalo ang EAC ng dalawang sunod.

Walang mawawala ngunit may makukuha, ang naturang mga panalo ay nagbigay ng motibasyon sa Lady Generals, na nais matikas na tapusin ang season.

“Hindi natin puwedeng i-underestimate ang EAC. Paghahandaan namin sila, dahil knowing coach Rod (Palmero), hindi sila bibigay sa laban,” sabi ni Javier makaraang gapiin ng kanyang tropa ang University of Perpetual Help System Dalta, 25-12, 25-13, 25-23, noong Sabado.
May 6-1 record, ang panalo ng Arellano ay hindi lamang magbibigay sa kanila ng puwesto sa Final Four kundi maglalapit din sa pagkopo ng twice-to-beat bonus, na makakamit ng Legarda-based side kung tatalunin nila ang CSB ngayong weekend.

Ang Lady Blazers, walang dungis sa pitong laro, ay dalawang panalo na lamang mula sa pagdiretso sa Finals at gawing step-ladder ang Final Four, isang bagay na iniiwasan ng Lady Chiefs, lalo na’t mawawala sa second-ranked team ang twice-to-beat incentive sa naturang format.
Maaaring huli na nang mag-jell ang Lady Generals, ngunit natuwa si Palmero sa kanyang nakita sa kanyang koponan sa huling dalawang laro.

“Masaya kami para kanila kahit huli na,” ani Palmero matapos ang 17-25, 26-24, 25-21, 25-17 victory kontra Letran noong Sabado.

“Pero nagpe-prepare na rin naman kami for next season. Ganoon ang ginagawa ko sa kanila ngayon,” dagdag pa niya.

Sa unang laro sa alas-12 ng tanghali, palalakasin ng San Sebastian, nasa third place na may 4-2 kartada, ang kanilang Final Four drive sa pagharap sa San Beda.

Nanalo sa kanilang huling dalawang laro matapos ang 0-4 simula, bawal matalo ang Lady Red Spikers kung nais nilang umusad sa susunod na round.