FINALS AASINTAHIN NG LADY SPIKERS

Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
6:30 p.m. – DLSU vs Ateneo

PAGKAKATAON naman ngayon ng La Salle na putulin ang potential improbable run ng Ateneo sa kampeonato sa pagtatagpo ng kanilang landas sa ikalawang step-ladder match ng UAAP women’s volleyball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena.

Tangan ang twice-to-beat advantage makaraang magtapos sa ikalawang puwesto sa eliminations, kailangan lamang ng Lady Spikers na talunin ang No. 4 Blue Eagles sa alas-6:30 ng gabi para makabalik sa Finals matapos na mabigo sa pinakahuling kumpetisyon ng liga noong 2019.

Pahinga muna ang National University magmula nang makumpleto ang 14-match elims sweep noong Hunyo 9 at sisimulan na ang pagsalang sa aksiyon sa best-of-three championship series sa Sabado kapag namayani ang La Salle sa Ateneo.

Ang panalo ng Blue Eagles ay magpupuwersa sa do-or-die match kontra Lady Spikers sa Sabado para sa karapatang harapin ang Lady Bulldogs sa Finals.

Napipintong maulit ang Cinderella 2014 run para sa Ateneo makaraang pataubin ang Adamson sa playoff para sa No. 4 at ang third-ranked University of Santo Tomas sa first stage ng step-ladder para maisaayos ang duelo sa La Salle. Noong 2014 season, nalusutan ng Blue Eagles ang limang do-or-die matches, kabilang ang dalawa kontra thrice-to-beat Lady Spikers para makalawit ang kanilang kauna-unahang women’s volleyball crown.

Subalit para malusutan ng Ateneo ang mga balakid, kailangang putulin nito ang mahabang losing spell kontra La Salle. Ang Blue Eagles ay natalo sa kanilang huling siyam na pagtatagpo ng Lady Spikers magmula noong 2017 championship series at huling nagwagi sa second round ng eliminations noong Abril 8, 2017, 12-25, 25-20, 25-21, 25-19.

Si Faith Nisperos ang naging sandigan ng Ateneo para makaiwas sa pagkakasibak.

Makaraang magtala ng 22 points at 10 receptions sa 25-20, 28-26, 25-22 panalo kontra Lady Falcons noong Sabado, patuloy na pinangunahan ni Nisperos ang Blue Eagles sa pagkamada ng 23 points at 8 receptions sa pagdispatsa sa Tigresses, 25-23, 25-23, 25-20, kamakalawa.

“I just asked Faith to relax kasi normally towards the end kailangang pigilan kaunti eh. Alam ninyo naman si Faith, ‘yung intensity niya,” sabi ni Ateneo coach Oliver Almadro.

“I really commend this girl. Nakinig siya and nag-adjust siya right away. Doon mate-test ‘yung character ng isang athlete if she can adjust at the right time,” dagdag pa niya.