Laro ngayon:
Araneta Coliseum
7 p.m. – Ginebra vs Rain or Shine (Game 4)
SISIKAPIN ng Barangay Ginebra na tapusin na ang kanilang best-of-five semifinals series ng Rain or Shine sa Game 4 ngayong alas-7 ng gabi sa Araneta Coliseum.
Nakopo ng Kings ang 2-1 bentahe makaraang malusutan ang Elasto Painters, 75-72, kamakalawa sa Mall of Asia Arena.
Pinangunahan ni import Justin Brownlee ang panalo ng Ginebra sa pagpapasabog ng 44 points upang ipagpatuloy ang agresibong simula sa PBA Commissioner’s Cup.
Ang kanyang 25 points sa first half ang ika-4 na sunod na laro na umiskor si Brownlee ng hindi bababa sa 20 sa unang 24 minuto ng laro, isang ma-laking dahilan kung bakit isang panalo na lamang ang kailangan ng Ginebra para umusad sa finals.
Ang pagiging agresibo ni Brownlee ay bunga ng laging pagpapaalala sa kanya ni coach Tim Cone.
“Coach Tim always tells me to be aggressive,” wika ni Brownlee.
“He always puts me in what I feel like a perfect situation for me to be successful on the offensive end. Like what my teammates have been doing this whole conference and throughout the playoffs, they get me the ball in comfortable situations for myself and I’ve been able to capitalize,” sabi pa niya.
Nagsimula ang streak ni Brownlee sa Game 2 ng quarterfinal series laban sa Meralco nang maitala niya ang 24 sa kanyang 36 points sa unang dala-wang quarters upang makompleto ang sweep ng Ginebra sa best-of-three affair sa pamamagitan ng 104-90 panalo.
Naipagpatuloy niya ito sa semis opener kontra Rain or Shine noong Hulyo 15, kung saan kumana siya ng 20 points sa halftime bago tumapos na may 35 sa 102-89 panalo ng Ginebra.
“I felt good. Everytime I shoot, I felt it was going in. Whenever I feel like that, I just want to stay aggressive and help the team win,” dagdag ni Brownlee.
Sa Game 4 ay inaasahang muling pangungunahan ni Brownlee ang Ginebra katuwang sina Jeff Chan, LA Tenorio, Scottie Thompson, Sol Mercado, Joe Devance at twin towers nina Japeth Aguilar at Greg Slaughter.
Tiyak namang ibubuhos ng mga bataan ni coach Caloy Garcia ang kanilang lakas para manatili sa kontensiyon at makahirit ng ‘rubber match’.
Muling sasandal si Garcia sa kanilang import na si Reginald Johnson, kasama sina Abe Norwood, Maverick Ahanmisi, James Yap, Chris Tiu, Beau Belga, Jay Washington, Mark Borboran at Ray Mambatac.
Comments are closed.