FINALS TARGET NG LADY SPIKERS, LADY BULLDOGS

Mga laro ngayon:
(Smart Araneta Coliseum)
11 a.m. – DLSU vs FEU (Men Step-ladder)
1 p.m. – DLSU vs UST (Women Final Four)
3 p.m. – NU vs AdU (Women Final Four)

BATID ni Eya Laure ang kalakhan ng La Salle-University of Santo Tomas rivalry sa UAAP women’s volleyball tournament.

Kaya asahan ang isa na namang matindi at emosyonal na showdown sa pagtatangka ng twice-to-beat Lady Spikers sa kanilang unang Finals stint magmula noong 2018 laban sa fourth-ranked Tigresses ngayong ala-1 ng hapon sa harap ng inaasahang malaking crowd sa Araneta Coliseum.

“Kumbaga, siyempre La Salle is La Salle. Kumbaga may system sila na matibay. Papakita din namin na ‘yung system namin sa UST,” pahayag ni Laure patungkol sa kanilang pinakaaabangang Final Four match-up.

“Lagi naman kapag La Salle and UST, parang may rivalry na rin siya dati pa. So motivating pa din kasi siyempre, magagaling silang lahat. Kahit naman sinong atang player doon sa La Salle, nandoon yung respect,” dagdag pa niya.

Sa kanilang pinakahuling Final Four duel noong 2019, sinibak ng Tigresses, armado ng twice-to-beat incentive, ang Lady Spikers upang umabante sa championship round.

Nais ng La Salle na makaganti sa UST dahil ang España-based side ang tanging tumalo sa kanila sa season,19-25, 25-14, 18-25, 12-25 noong nakaraang April 2 na tumapos sa kanilang nine-match winning streak.

Naungusan ng Lady Spikers ang Tigresses, 25-20, 16-25, 25-8, 15-25, 16-14, sa season opener noong nakaraang February 26.

Sa gitna ng usapin ng MVP, si Laure ay nakapokus lamang sa malaking hamon na talunin ang La Salle ng dalawang beses.

Gayunman ay hindi pumapabor ang kasaysayan sa iUST side, dahil walang No. 4 team sa Final Four era ang nakapasok sa Finals.

“Ang mas gusto ko talaga mag-championship. Maka-appear sa championship podium,” ani Laure. “Siyempre, nasa senior year na rin ako. Doon ‘yung attention ko ngayon.”

Ang Lady Spikers ay papasok sa Final Four na puno ng kumpiyansa sa kanilang four-match winning streak makaraang matalo sa Tigresses.

Subalit dahil mas malaki ang nakataya ngayon, kailangang itaas pa ng La Salle ang lebel ng kanilang laro, lalo na’t gagawin ng UST ang lahat para maisalba ang kanilang season.

“Ang mindset lang po talaga sa team namin is kailangan naming tatagan ang sarili namin as a team. And always stick to the system and game plan. Ganoon pa rin, one step at a time, every game,” sabi ni rookie Angel Canino, na kahanga-hanga sa buong seson para sa Lady Spikers.

Ang panalo ay magdadala sa La Salle sa potential Season 84 Finals rematch sa No. 2 National University, na umaaasang malulusutan ang third-ranked Adamson sa isa pang Final Four match sa alas-3 ng hapon.

Ang six-match winning streak, na sinamahan ng twice-to-beat advantage, ay nagbigay sa the back-to-back title-seeking Lady Bulldogs ng kumpiyansa sa kanilang showdown kontra Lady Falcons, na nasa kanilang unang Final Four appearance magmula noong 2014.

“Yung mindset namin is hindi na namin dapat paabutin pa na kailangan maka-dalawang laro,” sabi ni reigning MVP Mhicaela Belen.

“Dapat, unang game pa lang, tapusin na namin para hindi kami mahirapan kahit may twice-to-beat kami,” dagdag pa niya.

Nalusutan ng NU ang Adamson sa first round, 25-22, 25-19, 25-27, 22-25, 15-10, noong nakaraang March 1 bago kinumpleto ang head-to-head elims sweep sa kanilang April 12 rematch, 26-24, 25-16, 25-22.