FINIS NAGLAAN NG CASH INCENTIVES SA TOP SWIMMER NG PALARO

TINANGGAP ni two-time World Junior Championship campaigner Michaela Jasmine Mojdeh ang P10,000 cash incentive mula sa mga opisyal ng FINIS Philippines sa pangunguna ni Managing Director Vince Garcia (kaliwa) sa pagtatapos ng 2024 Palarong Pambansa swimming competition sa Cebu City.

SINUPORTAHAN kamakailan ng FINIS Philippines ang Palarong Pambansa swimming competition sa Cebu City sa pamamagitan ng pagbibigay ng P50,000 cash incentives sa mga nagningning na swimmers sa elementary at secondary divisions.

Pinarangalan bilang Most Outstanding Swimmer para sa Girls High School category matapos magwagi ng  limang gintong medalya, tampok ang isang national junior record, pinangunahan ng beteranong internationalist na si Michaela Jasmine Mojdeh ang mga awardee na tumanggap ng eleganteng tropeo at cash incentives mula sa FINIS. Si Mojdeh ay isa ring FINIS brand ambassador.

Sinabi ni FINIS Philippines Managing Director Vince Garcia na bukod sa cash incentives, ibinigay ng FINIS ang lahat ng kinakailangang kagamitan bilang bahagi ng pakikipagtulungan nito sa Department of Education (DepEd).

Sinimulan ng 18-anyos mula sa Paranaque City  ang kanyang ginintuang pagganap sa pamamagitan ng paghahari sa 200-meter butterfly event (2:19.72), na sinira ang kanyang sariling 2019 Palaro record na 2:22.69. Nanalo rin siya sa 200-m breaststroke (2:41.75), 200m Individual medley (2:26:68); 100m butterfly (1:03.83); at 400m Individual medley (5:12:18).

Tumanggap din ng tropeo at tig-P10,000 cash sina Albert Jose Amaro (Boys secondary), Christian Isaiah Lagnason (Boys Elementary), at Sophia Rose Garra (Girls Elementary).

CLYDE MARIANO