HALOS ang mga balita ng quad media (TV, Radio, Print at Online news) ngayon ay puro tungkol sa COVID-19, lalo na nang mag-anunsiyo o maglabas ng pahayag ang Pangulong Duterte sa paghahanda at restriction ng local areas bilang pag-iingat sa mga nakatira sa mga lugar na may kaso ng COVID-19. Pinapayuhan din ang mga kabataan na manatili sa bahay at huwag nang gumala pa nang maiwasang mahawa sa nasabing virus.
Ngunit bukod sa COVID-19 ay marami pa tayong dapat na isipin lalo na ngayong papalapit na ang tag-araw o summer. Hindi lamang kaligtasan natin ang dapat isaalang-alang kundi maging ang kaligtasan ng tahanan at buong pamilya.
Ang Marso ay buwan ng mga kababaihan. Bukod pa riyan ito rin ay Fire Prevention Month kung saan paaalalahanan ang bawat Filipino kung paano makaiiwas sa sunog. May mga kampanya rin kung papaano ito masusugpo at ang pagiging handa.
Tumataas ang kaso ng sunog sa iba’t ibang lugar sa ating bansa sa pagsapit ng tag-init.
Ang buwan ng Marso ay unang buwan matapos ang tag-lamig. Nararanasan ang mainit at tuyong hangin sa bansa. Kaya’t nagbibigay ng tips at paalala ang kagawarang ng Bureau of Fire and Protection upang maiwasan ang sunog.
At dahil maagang nasuspinde ang klase ng mga bata, maaaga rin ang bakasyon. Madalas ay gumagana ang lahat ng ating appliances sa bahay kaya naman, nararapat na sila ay turuan kung paano magiging handa sa oras ng sunog. Sabi nga ng marami, manakawan ka na ng ilang beses, huwag lang ang masunugan. Dahil kapag nga naman nasunugan ka, mauuwi sa abo ang lahat ng iyong pinaghirapan.
Ang masunugan ay isang masaklap na pangyayari sa buhay ng tao. Bawat kumahaharap din nito ay nahihirapang makabangong muli.
Kaya naman, ngayong panahon ng tag-init, narito ang ilang tips na dapat tandaan upang maiwasan ang sunog:
IWASAN ANG OCTOPUS WIRING
Ang mga bata ay mahilig magsabay-sabay ng ginagawa. May ilan na habang naglalaro o gumagamit ng gadget ay nanonood din ng telebisyon. May iba pa ngang hindi lamang cellphone ang gamit kundi mayroon ding tablet o laptop.
Isa sa pinagmumulan ng sunog ay ang octopus wiring. Kaya naman, iwasan ito. Hugutin ang mga nakasaksak kung ito ay tapos nang gamitin upang hindi mag-over heat at makatipid na rin ng bayarin sa koryente.
PATAYIN SA PINAKATANGKE ANG KALAN
Kung aaalis ng bahay o matutulog na at tapos ng gamitin ang kalan, patayin ito sa pinakatangke.
I-check din ang hose ng kalan nang masigurong walang leak o problema. Lagi ring maglagay ng basang basahan sa ibabaw ng kalan upang in case na magliyab ito, mayroon kaagad na ipantatapal.
Huwag ding iiwanan ang niluluto.
BASAIN ANG UPOS NG SIGARILYO
Hindi rin naman talaga maiiwasan ng marami sa atin ang manigarilyo. Isa na ito sa nakasanayan ng marami at kahit pa sabihing nakasasama ito sa kalusugan, hindi pa rin sila tumitigil. Sabagay, choice nga naman nila iyon.
Pero sa mga mahihilig manigarilyo, basain ng tubig ang mga upos ng sigarilyo nang hindi ito magliyab kung sakaling maihagis sa tuyong dahon o damo.
MAGING KALMADO
Importante rin ang pagiging kalmado sa mga panahon ng emergency. Kung sakali mang magkasunog, dapat alam ng buong pamilya kung ano ang gagawin at kung saan lalabas na pintuan.
Huwag matataranta o magpa-panic kapag nagkasunog. Kasi mawawalan ng focus at hindi na makapag-iisip ng tama.
Kung may pagkakataon, gumawa ng paraan na mabasa ang tela o damit saka itakip sa ilong habang ginagawa ang stop, drop at roll.
Alamin din ang mga numerong dapat tawagan in case of emergency. CYRILL QUILO