FIT-ALL COLLECTION SUSPENDIDO PA RIN

ERC-1

PINALAWIG ng Energy Regulatory Commission (ERC) ‘indefinitely’ ang suspensiyon ng koleksiyon ng Feed-in Tariff Allowance (FIT-All) sa lahat ng consumers sa buong bansa.

Ang patuloy na suspensiyon ay magbibigay ng savings na P0.0364 per kWh, na katumbas ng P7.28 bawas sa monthly bills ng kabahayan na kumokonsumo ng 200 kilowatt-hours.

Ang FIT-All ay sinisingil sa lahat ng consumers at ibinabayad sa renewable sources of energy.

Ito na ang ikatlong sunod na suspensiyon ng FIT-All collection magmula noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Ang suspensiyon ay orihinal na magtatapos sa Agosto 31, 2023.

Noong Pebrero ay pinalawig ng ERC ang suspensiyon ng koleksiyon ng FIT-All hanggang Agosto ngayong taon.

Ang unang pagkakataon na sinuspinde ang FIT-All collection ay noong November 2022, para sa December 2022-February 2023 period para maibsan ang pasanin ng mga consumer sa gitna ng mataas na inflation.

“This decision introduces remedies to ease the financial burden on consumers at the midst of escalating costs of electricity,” ayon sa ERC.

“With the said ERC issuance, the consumers enjoy the benefit of reduced power cost for almost a year now,” dagdag pa ng regulator.