FOOD SAFETY TIPS NGAYONG TAG-ULAN

FOOD SAFETY TIPS

(ni CT SARIGUMBA)

HINDI lamang kapag tag-init tayo dapat na nag-iingat sa ating kinakain at iniinom, gayundin kapag tag-­ulan. Dahil kapag nagpabaya tayo, maaaring maisaalang-alang ang kaligtasan ng ating mahal sa buhay.

Hindi na maitatanggi ang pagsapit ng tag-ulan. Sa ganitong mga panahon, ang moisture sa hangin ay tumataas, kaya’t mabilis na nasisira ang pagkain.

At para maiwasan ang kahit na anong problema ngayong tag-ulan, lalong-lalo na pagdating sa pagkain, narito ang ilang food safety tips na dapat isaalang-alang:

HANGGA’T MAAARI AY IWASAN ANG PAGKAIN NG SALAD

Nakasanayan na ng marami sa atin ang pagkain ng salad. Bagay nga naman sa main dish at hindi nawawala sa ating kinahi-hiligang pagkain ang salad. Masarap nga naman ito at light sa tiyan. Sa mga nagbabawas ng timbang, swak na swak itong kahiligan.

Gayunpaman, hangga’t maaari ngayong tag-ulan ay iwasan na muna ang pagkain ng salad, lalo na kung sa labas ito bibilhin.

Hindi nga naman natin matitiyak kung nalinis ng mabuti at naayos ang pagkahahanda ng salad. Kaya para sa kaligtasan, iwasan ang pagkonsumo nito lalo na kung sa labas bibilhin.

LUTUING MABUTI AT INITIN ANG PAGKAIN BAGO KAININ

Bukod nga naman sa paglulutong mabuti ng pagkain, mainam din kung ang mga left over ay itatago o ilalagay kaagad sa refrigerator. At kapag kakainin naman, initin itong mabuti.

Marami rin sa atin ang nagluluto ng maramihan upang maka-save sa oras at panahon. Isa rin sa dahilan ay ang kaabalahan, kaya’t kung minsan, pang-buong mag­hapon na ang niluluto ng maraming ina ng tahanan lalo na kung nagtatrabaho o nag-oopisina rin ito. Para nga naman sa pag-uwi kinahapunan ay may mapagsaluhan.

Tandaan din na ang iniluto sa umaga ay initin pagdating ng gabi. Pakuluin ding mabuti ang pagkain lalo na kung inilagay ito sa refrigerator.

BAWASAN ANG PAGKONSUMO NG SPICY AT OILY FOOD

Kapag tag-ulan nga naman, ang sarap kumain ng spicy at oily food. Kunsabagay, sa kahit na anong panahon nga naman ay napakasarap ang kumain.

Pero kapag tag-ulan, sabihin mang gustong-gusto kumain ng spicy at oily food, bawasan ang pagkain ng mga ito.

Iwasan din muna ang pagkain ng street food nang masiguro ang kaligtasan. Bawas-bawasan na rin muna ang pagkain sa labas lalo’t hindi nasisiguro ang klase ng paghahandang kanilang ginagawa, gayundin ang tubig o mga sangkap na ginamit sa pagluluto.

KAININ KAAGAD ANG MGA HINIWANG PRUTAS

Hindi rin naman maiiwasan ang pagkain o pagkahilig natin sa prutas. Anumang panahon ay nahihilig tayo sa gulay at prutas.

Kapag bibili ng ganitong mga pagkain, siguraduhing nahugasang mabuti ang mga ito bago itago o ilagay sa refrigerator.

Tandaan ding huwag na huwag mag-iiwan ng hiniwang prutas lalo na sa lamesa. Mas mainam kung kakainin kaagad ang mga prutas na hiniwa upang maiwasan ang contamination with microbes.

Kung gagawa naman ng fruit juices, inumin kaagad.

SIGURADUHING MALINIS ANG KUSINA

Isa pa sa dapat na­ting siguraduhin o tiyakin ay ang pagiging malinis ng buong kusina, kasama na rito ang mga sangkap at gamit sa pagluluto upang maiwasan ang microbial contamination habang naghahanda at nagluluto ng pagkain.

Ugaliin din ang paghuhugas o ang pagpapanatiling malinis ng mga kamay habang naghahanda at nagluluto ng kahit na anong klaseng pagkain.

MALINIS NA TUBIG, NAPAKAHALAGA

Bukod sa pagsigurong malinis ang pagkain at kusina, maha­laga ring natitiyak ang kalinisan ng ating iniinom, gaya na lamang ng tubig.

Ngayong tag-ulan, isa rin sa dapat nating panatilihin ay ang malusog na pangangatawan. Mainam din kung iinom tayo ng maraming tubig nang maiwasan ang dehydration.

At dahil napakaha­laga ng tubig para maiwasan ang dehydration, siguraduhing malinis ang iniinom na tubig ng buong pamilya nang maiwasan ang water-borne infections.

Ngayong tag-ulan, kinatatamaran natin ang gumalaw-galaw. Madalas din ay gusto nating madaliin ang bawat bagay o ginagawa natin nang matapos kaagad. Gayunpaman, maging maingat tayo, lalong-lalo na sa paghahanda at pagluluto ng pagkaing ihahain natin sa ating buong pamilya. (photos mula sa unlockfood, thesouthafrican at healthline)

Comments are closed.