NAPAKAHALAGANG ang pag-iingat lalo na pagdating sa pagkain, mula sa paghahanda, sa pagluluto hanggang sa paghahain o pagpa-pack. Kaunting pagkakamali nga lang naman ay maaari na itong ikapahamak ng ating buong pamilya.
Kaya naman, para masiguro ang kaligtasan ng mahal sa buhay, narito ang ilang food safety tips o principles na dapat isaalang-alang ng bawat isa sa atin:
PAGIGING MALINIS
Unang-una sa dapat nating tandaan ay ang pagiging malinis. Ibig sabihin nito, kailangang palaging naghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. Gawin ang paghuhugas ng kamay bago, habang at pagkatapos na magluto.
Hindi rin puwedeng tubig lang ang gagamitin natin sa paghuhugas. May ilan na basta’t nakapaghugas ng kamay ngunit kung minsan ay hindi gumagamit ng sabon. Mahalagang nag-sasabong mabuti nang matiyak o matanggal ang duming kumapit sa mga kamay.
Mahalaga ring nasa-sanitize ang surface o lugar na paggagawaan. Tiyakin ding malinis ang mga kasangkapang gagamitin. At higit sa lahat, linising mabuti ang fresh vegetables, fruits, karne at isda bago ito hiwain o lutuin.
PAGHIWA-HIWALAYIN
Minsan talaga, hindi na natin napagtutuunan ng pansin ang mga pagkain dahil na rin sa kaabalahan. Halimbawa na lang kapag nagmamadali tayo, inilalagay na lang natin sa ref ang mga pinamili nating pagkain, prutas at gulay.
Hindi puwedeng pinagsasama-sama natin ang mga pagkaing luto na at hindi pa. Hindi rin puwedeng pagsamahin sa iisang lalagyan ang prutas, gulay at mga karne. Isa iyan sa dapat nating tandaan.
Sa paghahanda naman ng pagkain o paghihiwa, gumamit ng magkakaibang sangkalan. Gumamit ng malinis na sangkalan sa paghihiwa ng mga fresh produce. Ibang sangkalan din ang gamitin sa mga raw seafood, meat at poultry.
LUTUING MABUTI AT PALAMIGIN
Importante ring nalulutong mabuti ang mga pagkain nang maiwasan ang kahit na anong problema. Marami sa atin na dahil sa nagmamadali, hindi na gaanong naluluto ang mga pagkain. Basta’t kumulo, okey na.
Importanteng lutong-luto ang mga pagkain nang maiwasan ang pagkakasakit.
Sa paghahain din ng pagkain o pagpa-pack, siguraduhing malinis ang mga kamay, gayundin ang paglalagyan ng naturang pagkain.
Bago rin ilagay sa ref ang pagkain, siguraduhing malamig na ito. Takpan din itong mabuti nang hindi pasukin ng kahit na anong dumi.
Pagdating sa pagkain, importante ang pagiging maingat para maging ligtas ang ating buong pamilya. CT SARIGUMBA
Comments are closed.