FOREIGN INVESTMENT BUMUHOS

Bangko Sentral ng Pilipinas

PATULOY ang pagpapakita ng kumpiyansa ng mga foreign investor sa long-term potential ng ekonomiya ng Filipinas sa pagsipa ng foreign direct investments (FDI) sa first quarter ng taon.

Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang 43.5 porsiyentong pagtaas sa kabuuang FDIs para sa unang tatlong buwan ng taon sanhi ng tinawag ng central bank na patuloy na positibong pananaw ng mga investor sa ekonomiya ng bansa sa likod ng mahusay na macroeconomic fundamentals at malakas na growth prospects.

Ang paglago sa FDI sa first quarter ng 2018 ay nagresulta sa net inflow na  $2.2 billion, mas mataas sa $1.5 billion na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

“FDI is the type of investment that is often more coveted, as it stays longer in the economy and creates job opportunities for locals. It is also not easily pulled out of the market unlike its shorter-term counterpart, the foreign portfolio investments,” paliwanag ng BSP.

Simula pa sa umpisa ng taon, ang kumpiyansa para sa FDI ng bansa ay mataas kung saan nauna nang inihayag ng mga eksperto na posibleng ilagak ng global players ang kanilang pera sa isa sa pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa rehiyon.

Kamakailan lamang ay ipinahayag ng International Monetary Fund (IMF) ang tiwala nito sa kakayahan ng bansa na taasan ang FDIs nito dahil sa malakas na domestic reform momentum sa mga larangan ng taxation at capital market development.

Nauna na ring sinabi ni ING Bank Manila Senior Economist Joey Cuyegkeng na nananatiling mataas ang tsansa na matatamo ng Filipinas ang  year-end projection ng gobyerno dahil ang foreign direct investors ay masigasig na lumahok sa isa sa pinakamabilis na lumalagong ekonomiya sa Asia.

Para sa 2018, ang BSP ay nagtakda ng $8.2 billion projected FDI net inflows. Na­ngangahulugan ito na kaila­ngang makaakit ang bansa ng may  $2 billion FDIs  per quarter sa susunod na siyam na buwan ng taon.

Samantala, nagbabala ang Standard & Poor’s Global Ratings (S&P) na ang kawalan ng katiyakan sa second tax reform package ay maaaring humila pababa sa FDI ng bansa sa near-term dahil maghihintay ang mga investor kung anong uri ng tax agenda package two ang ipatutupad.       BIANCA CUARESMA

Comments are closed.