ISUSULONG ni Senadora Risa Hontiveros ang pag-regulate sa pagpasok ng foreign investment sa bansa upang maiwasan ang pang-aabuso laban sa mga kababaihan.
Ayon kay Hontiveros, isa ito sa mga rekomendasyon na isasama sa report ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality, na kanyang pinamumunuan.
Pinangunahan ng senadora ang imbestigasyon sa umano’y pagkakasangkot ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa prostitution at trafficking sa bansa.
“‘Yung policy recommendation doon sa regulation ng entry ng foreign investment sa ating bansa, kagaya ng sa mga POGO, para matukoy at maisara ‘yung gap sa implementation kung saan nakakapuslit itong ilegal na pera at syndicated crimes laban sa mga kababaihan,” wika ni Hontiveros sa isang panayam sa radyo.
Aniya, magrerekomenda rin siya ng mga polisiya para matigil na ang katiwalian sa Bureau of Immigration (BI).
“Sa border control, recruitment, and entry, dito malamang maglalabas ang komite ng recommendation kung paano isasaayos ang BI,” aniya.
“Kasi nitong mga nakaraaang taon nasangkot sila sa mga kaso ng pang-aabuso, itong Visa Upon Arrival para sa trafficking, pag-aabuso sa tourist visa para magpapasok ng mga POGO worker na tourist visa ang dala imbEs na work permit, at papunta sa mga illegal na POGO operation.”
Magugunitang ibinunyag ni Hontiveros sa hearings ang tinatawag na ‘pastillas’ scheme kung saan madaling nakakapasok sa bansa ang Chinese casino high-rollers at offshore gaming operation workers kapalit ng malaking halaga.
Kamakalawa ay sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sangkot sa ‘pastillas’ scheme at binigyang-diin na hindi niya kukunsintihin ang ganitong gawain.
Sinabi pa ni Hontiveros na nakapaloob din sa committee report ang policy recommendation sa kung paano haharapin ang mga biktima ng POGO-related prostitution at trafficking.
“‘Yung area ng recovery and rehabilitation of victims kasi pagkatapos ma-rescue ang mga kababaihan, dayuhan o mapa-Pinay, mayroon ding mga bata, kailangan nating siguraduhin na hindi sila mare-recycle,” dagdag pa niya.
Comments are closed.