PUMALO ang foreign investment pledges sa record-high P390.1 billion noong nakaraang taon, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa datos ng PSA, lumitaw na ang 2019 haul ay hindi lamang higit sa doble ng P183.3 billion na naitala noong 2018, kundi pinakamataas na yearly amount ng foreign-led projects na inaprubahan ng investment promotion agencies (IPAs) magmula noong 1996.
Ang huling pinakamalaking annual foreign investment pledges ay naitala noong 2012, na nagkakahalaga ng P289.5 billion.
Sakot ng PSA report ang approvals na isinagawa ng Authority of the Freeport Area of Bataan (Afab), Board of Investments, BOI-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Cagayan Economic Zone Authority (Ceza), Clark Development Corp. (CDC), Philippine Economic Zone Authority (Peza), at ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Ang IPAs ay nagkakaloob ng fiscal at non-fiscal incentives sa mga investor, na nais ng pamahalaan na i-rationalize sa ilalim ng panukalang second tax package o ang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (Citira) na nakabimbin sa Senado.
Layunin din ng Citira bill na unti-unting bawasan ang corporate income tax rate mula sa kasalukuyang 30 percent sa 20 percent sa loob ng 10 taon.
Sa sandaling maisakatuparan, ang naturang foreign investment commitments ay magiging foreign direct investment (FDI).
Ang top source ng foreign investment pledges ng IPAs noong nakaraang taon ay ang Singapore na may P176.3 billion, mas mataas ng 732.6 percent mula sa P21.2 billion lamang noong 2018.
Bumagsak sa ikalawang puwesto ang China, ang no. 1 source ng IPA approvals, dalawang taon na ang nakalilipas, sa ikalawang puwesto na may P88.7 billion, subalit mataas pa rin ng 74.9 percent mula sa P50.7 billion noong 2018.
Ang third largest potential investor-country ay ang South Korea, na may P41.5 billion na naaprubahang mga proyekto noong nakaraang taon o mas mataas ng 2,101 percent mula sa P1.9 billion lamang, dalawang taon na ang nakalilipas.
Nang isama ang foreign investment pledges noong nakaraang taon sa commitments mula sa Filipino-owned companies, ang total IPA approvals ay umabot sa P1.3 trillion, mas mataas ng 20.7 percent sa P1.1 trillion noong 2018. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.