FOREIGNERS IPADE-DEPORT KAPAG LUMABAG SA ECQ

Commissioner Jaime Morente-6

IPAAARESTO o kaya deportation ang kahaharapin ng dayuhan na lumalabag sa  Enhanced Community Quarantine (ECQ), ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente.

Ang babalang ito ay upang makarating sa kaalaman ng bawat  dayuhan na naririto sa bansa na hindi sila exempted habang sumasailalim ang National Capital Region (NCR) at karatig na lugar sa Luzon ng enhanced community quarantine (ECQ) dulot ng coronavirus disease (COVID-19).

Aniya, ang ECQ na ito ay hindi para lamang sa mga Filipino, dahil ang pinag-uusapan dito ang kalusugan ng bawat mamamayan nang sa gayon ay  makaiwas sa sakit.

Nakapaloob sa ilalim ng Section 6 ng Bayanihan to Heal as One Act, na ang mga dayuhan na lalabag rito ay may kaparusahan bukod sa deportation na ipapataw sa mga nagkasala o violators.

Ito ay matapos makarating sa kanilang opisina ang nag viral na video na kinasasangkutan ng isang foreign national sa Makati City na sumuway sa ECQ policies, at sa isinagawang raid ng online gaming company, sa kabila ng COVID-19 lock-down.

Nadismaya si Morente dahil pinagwalang bahala ng mga dayuhang ito ang ECQ protocols. F MORALLOS