MAKAPAPASOK na sa Filipinas ang mga foreign national na may long-term visas simula sa Agosto 1, ayon sa Malacañang.
Gayunman ay nagtakda ang COVID-19 task force ng pamahalaan ng mga kondisyon bago sila makapasok sa bansa.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, kailangan muna silang magkaroon ng valid at existing visas sa panahon ng pagpasok sa bansa, nangangahulugan na walang bagong entry visa na tatanggapin.
Sinabi pa ni Roque na ang mga foreign national ay nakabatay sa maximum capacity ng inbound passengers at sa petsa ng pagpasok dahil bibigyan ng prayoridad ang mga uuwing overseas Filipino.
Ang mga foreign national ay kailangan ding kumuha ng pre-booked accredited quarantine facility at pre-booked COVID-19 testing provider.
“Dadaan po sila sa proseso. Kinakailangang magpa-PCR test sila pagdating nila. At habang naghihintay ng resulta, sila po ay mag-i-stay sa quarantine,” sabi pa ni Roque.
“Ito naman po ay hindi mga ordinaryong dayuhan lamang. Ito’y mga dayuhan na kinokonsidera nila na ang kanilang tahanan ay nandito sa Filipinas dahil sila ay mga permanent resident,” dagdag pa niya.
Ang bagong polisiya ay inaprubahan ng task force noong Huwebes.
Bago ito, tanging ang mga Filipino, kanilang asawa at mga anak, accredited foreign government at international organization officials, at foreign airline crew lamang ang pinapayagang makapasok sa bansa.
Comments are closed.