MAGSASAGAWA ang lokal na pamahalaan ng Makati ng libreng large-scale flu at pneumonia drive para sa mga residente ng lungsod na rekomendasyon naman ng Department of Health (DOH) upang malabanan ang komplikasyon na idudulot ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Makati City Mayor Abby Binay, sa unang pagkakataon ay maaaring magpatala ang mga residente sa online upang makatanggap ng libreng bakuna na isang paraan na magpapabilis sa proseso ng pagpaparehistro para sa mga healthcare service workers ng lungsod gayundin upang mapanatili ang person-to-person contact.
Ipinaliwanag ni Binay na ang mga residente sa lungsod na may mga Yellow at Blue Card ay maaari nilang gamitin ang kanilang mga smartphones o computers at pumunta sa #ProudMakatizen website (proudmakatizen.com), piliin at i-click ang “Vaccination Registration” at kumpletuhin ang madaling sundin na paraan ng pagpaparehistro.
Paliwanag pa ni Binay na sa pagpaparehistro ay hihingin sa residente ang numero ng Yellow Card ID o Blue Card ID para sa beripikasyon.
Sinabi ni Binay na ang mga may hawak ng yellow card ay maaari nilang iparehistro ang kanilang mga dependents para sa pagbabakuna at matapos ang beripikasyon ay makatatanggap na ng message ang residente para sa kumpirmasyon ng kanilang iskedyul. MARIVIC FERNANDEZ