IPINASA na kamakailan ng House Committee on Ways and Means ang House Bill 1627, na naglalayong protektahan ang interes ng mga ‘work-from-home workers’ o ‘freelancers,’ kasama ang mga ‘content writers, artists’ at ‘wedding planners’ kung ina-agrabiyado sila ng mga humirang sa kanila, gaya ng hindi pagbayad sa kanilang trabaho o serbisyo.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, at may-akda ng HB 1527 na pinamagatang ‘An Act Protecting Freelance Workers in the Gig Economy Sector,’ kailangan ang naturang batas dahil sa ilalim ng Labor Code, hindi kasama ang ‘freelancing’ at walang pormal na balangkas para sa kanila na ang bilang ay umaabot na sa 1.5 milyon bago pa ang pandemya.
Sa ilalim ng HB 1527, labag sa batas ang hindi pagbayad sa mga freelancer sa serbisyo nila sa loob ng 15 araw lampas sa isinasaad sa nilagdaan nilang kasunduan, o pagkatapos ng kanilang serbisyo kung walang pormal na kontrata. Maaari ring maghabla ang nadedehado o naaapi.
Gagawing simple at madali para sa mga freelancer ang kanilang mga transaksiyon at pagrehistro sa mga ahensiya ng gobyerno gaya ng BIR. “Sa kasalukuyang panahon natin na mabilis ang ‘global communication’ at mga malikhaing pagne-negosyo sa pamamagitan ng ‘internet,’ marami at lalong lumalaki ang bilang ng mga taong sa bahay na lang nagtatrabaho at hindi na kailangang pumasok sa mga opisinang pinagtatrabahuhan nila,” puna ni Salceda.
“Milyon-milyong Pilipino na ang nabubuhay sa ‘freelancing’ matapos mawalan sila ng trabaho dahil sa pandemya, at lalo pang dadami ang kanilang bilang habang sumusulong ang ‘digital technology,’ kaya kailangan nila ng proteksiyon sa mga magsasamantala sa kanila,” paliwanag niya.
Sa ngayon, maraming OFW freelancers na ang kumikita ng dolyar kahit hindi na sila nangingibang bansa dahil nga sa mabisang kumunikasyong ‘digital’ at lalo pa silang dadami. Sadyang malaki ang potensiyal ng sektor na ito kaya hindi ito dapat makontamina ng mga komplikadong isyu mula sa ibang sektor, dagdag niya.
Itinuturing na ‘self-employed’ ang mga freelancer na malayang nakakapamili ng sistema ng kanilang trabaho at mga kompanyang nais nilang magkaroon ng kaugnayan, kaiba sa dating pagiging empleyado kung saan kailangan silang pumasok sa iisang kompanya at magtrabaho ng buong araw.
“Pangmatagalang karera na ang ‘freelancing’ at pinipili ito ng maraming matatalino at mahuhusay na mga Pilipino dahil magaan at madali ito para sa kanila, ngunit nanganganib din silang mapagsamantalang ng mga hihirang sa kanila na maaaring hindi magbayad sa kanilang sebisyo. Dahil dito, kailangang protektahan din sila ng gobyerno,” paliwanag ni Salceda.
Comments are closed.