NAKATAKDANG dumating sa bansa ang isang French basketball team sa September para maglaro ng exhibition games laban sa PBA ballclubs.
Inihayag ito ni PBA Commissioner Willie Marcial makaraang makipagpulong kina French Ambassador to the Philippines Miche’le Boccoz at French Embassy Counselor for Cooperation and Cultural Affairs, Marc Piton kamakailan.
Ang ideya ay sinasabing pinalutang ng French Ambassador, na nanood ng Game 3 ng PBA Governors’ Cup Finals sa pagitan ng Meralco at ng eventual champion Ginebra at natangay ng energy at excitement ng malaking crowd na nanood sa Araneta Coliseum.
“Definitely, maganda ito para sa PBA and magandang experience din para sa teams,” sabi ni Marcial, na nag-alok din ng tune-up game sa pagitan ng French team at Gilas.
Ayon sa league commissioner, iminungkahi niya kay Boccoz na isagawa ang tune-up games sa Gilas sa unang linggo ng September bago ang pag-alis ng Nationals patungong China para sumabak sa Asian Games.
Gayunman, sinabi ni Marcial na tatanungin pa rin niya si Gilas coach Chot Reyes kung papayag itong maglaro laban sa bisitang French team.
Gaganapin ang Asian Games sa September 10- 25 sa Hangzhou, Zhejiang, China.
Ang exhibition games ay bahagi rin ng highlights ng 75th year celebration ng Philippines-France friendship sa June 26.