MANANATILI sa level 4 ang fuel surcharge para sa Disyembre, ayon sa Civil Aeronautics Board (CAB).
Ipinatutupad ng CAB ang level 4 fuel surcharge magmula pa noong Oktubre.
Sa level na ito, ang fuel surcharge ay nasa P117 hanggang P342 para sa domestic flights, at P385.70 hanggang P2,867.82 para sa international flights, depende sa layo.
“Airlines wishing to impose or collect fuel surcharge for the same period must file its application with this Office (of the Executive Director) on or before the effectivity period,” sabi ng CAB sa isang advisory na may petsang Nobyembre 18 subalit ipinost noong Nobyembre 22.
Ayon pa sa advisory, ang applicable conversion rate ay USD1:P57.89.
Ang fuel surcharge ay ang extra fee na maaaring kolektahin ng airlines bilang karagdagan sa base fare upang ma-cover ang halaga na natamo mula sa ‘volatility’ ng fuel.
Ang mga local carrier ay nagla-lobby rin na maningil ng “terminal enhancement fee” mula sa mga pasahero upang mapagaan ang epekto ng tumaas na aeronautical fees sa Ninoy Aquino International Airport magmula noong Setyembre.
Ang price range ng terminal enhancement fee ay magkakaiba rin depende sa flight distance.
Ang panukalang terminal enhancement fee ay nirerebyu ng CAB. ULAT MULA SA PNA