Mga laro sa Miyerkoles:
Araneta Coliseum
3 p.m. – NLEX vs Magnolia
6 p.m. – San Miguel vs TNT
NAGING sandigan ng Phoenix Super LPG si Matthew Wright upang maitakas ang 93-92 panalo laban sa TNT sa PBA Governors’ Cup nitong Linggo sa Araneta Coliseum.
Nagbuhos si Wright ng 27 points at nagbigay ng 10 assists at isinagawa ang isa sa pinakamalaking defensive plays sa dying seconds upang pangunahan ang Fuel Masters kontra Tropang Giga.
Tumapos din si Wright na may tatlong steals, ang huli ay kay Jayson Castro na nagresulta sa fastbreak layup para sa final go-ahead basket, may 1.3 segundo ang nalalabi.
Sa kanilang huling timeout ay gumawa ang Tropang Giga ng final play kung saan ikinasa ni inbounding Gab Banal ang alley-oop pass kay Troy Rosario. Subalit naroon ang alertong si Jason Perkins upang supalpalin ang tira at tumunog ang final buzzer habang nag-aagawan sa possession ang magkabilang panig.
Sa kanilang ikalawang sunod na panalo at una sa pagpapatuloy ng torneo, ang Phoenix ay umangat sa 4-2 kartada para makatabla sa ika-4 na puwesto ang NLEX, ang parehong koponan na kanilang tinalo noong Christmas Day.
Ang katotohanang nalusutan ng koponan ang pagkawala ni Chris Banchero at ang limitadong pag-eensayo kasama si bagong import Dominique Sutton para madominahan ang Philippine Cup champion ay halatang ikinatuwa ni Fuel Masters coach Topex Robinson.
“There were a lot of things that happened to our team, but I guess we just stayed the course,” sabi ni Robinson. “We focused on the things that we need to focus on and played our hearts out against a strong team like TNT.”
Mula sa bench ay umiskor si RJ Jazul ng 16 points, habang tumipa sina starters Jason Perkins at Sean Manganti ng hindi bababa sa tig-10 points.
Tumapos si Mikey Williams na may 22 points, kabilang ang 13 sa fourth period, habang gumawa lamang si Aaron Fuller ng 11 points ngunit kumalawit ng tournament-high 23 rebounds upang pangunahan ang TNT, na nalasap ang ika-2 sunod na kabiguan para mahulog sa 2-4. CLYDE MARIANO
Iskor:
Phoenix (93) – Wright 27, Jazul 16, Sutton 13, Perkins 12, Manganti 10, Pascual 4, Chua 3, Rios 2 Garcia 2, Robles 2, Melecio 2, Demusis 0, Camacho 0.
TNT (92) – M. Williams 22, Banal 18, Rosario 11, Fuller 11, Castro 11, Montalbo 9, K. Williams 6, Alejandro 4, Khobuntin 0, Heruela 0, Reyes 0, Marcelo 0.
QS: 21-15, 44-41, 72-70, 93-92.