FUEL SUBSIDY PARA SA PUV DRIVERS, HUWAG IPASAKLAW SA SPENDING BAN – PASAHERO PARTYLIST

HINIMOK ng PASAHERO Partylist ang Commission on Elections (Comelec) na agarang aksiyunan ang pakiusap ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na huwag ipasakop sa election spending ban ang distribusyon ng fuel subsidy para sa mga tsuper ng public utility vehicles (PUVs).

Sa liham na ipinadala ng PASAHERO kay Comelec chairman Saidamen Pangarungan  araw ng Martes (Abril 5), sinabi nila na kung ipagpapatuloy ang pagre-release ng cash subsidy sa PUV drivers, makagagaan ito sa kanilang mga hinaing, partikular ang napakataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

“Bilang kinatawan ng libo-libong tsuper ng bus, jeep, tricycle at iba pang PUVs sa iba’t ibang panig ng bansa, nakikiusap tayo sa mga kinauukulan na ‘wag namang dagdagan ang hirap na dinaranas nila. Sila ang sektor na hinagupit ng paulit-ulit na lockdown dahil sa pan­demya, at ngayon dumaranas ng panibagong dagok dahil sa pagsirit ng pres­yo ng krudo,” paha­yag nina Allan Yap at Robert Nazal, kapwa founder ng PASAHERO Partylist.

Mababatid na pansamantalang ipinatigil ng LTFRB ang distribusyon ng P6,500 fuel subsidy sa mga benepisyaryo dahil sa ipinatutupad na public spending ban ng Comelec. Nagsimula ang naturang hakbang nitong Marso 25 bilang pagtalima ng ahensiya sa mga alituntunin ng Comelec sa panahon ng halalan.

Napag-alaman na hanggang sa araw ng Martes, umaabot lamang sa 110,000 sa kabuuang 377,000 beneficiaries ang nakatanggap ng fuel subsidy mula sa gobyerno.

Dahil dito, nakiusap ang LTFRB sa Comelec na kung maaari ay huwag ipataw ang suspensiyon sa distribusyon ng cash subsidy sa  PUV drivers.

Binigyang-diin ng PASAHERO na ito ang pagkakataon upang kilalanin naman ang sakri­pisyo ng ating mga drayber noong kasagsagan ng pandemya. Anila, maging sila ay maituturing na frontli­ners dahil hindi inalintana ng mga ito ang panganib ng COVID, makapagsilbi lamang sa publiko at para makasiguro ng panggastos sa umaasang pamilya.

“Hindi makatarungan na ipagkait natin sa kanila ang munting tulong sa pamamagitan ng fuel subsidy. Maliit na bagay lang ito  kumpara sa kanilang naitutulong sa ating mga mananakay lalo na sa mga panahong humahagupit ang COVID-19 pandemic.

Ang PASAHERO o ang Passengers and Ri­ders Organization, Inc., ay isang non-stock and non-profit organization na naglalayong ikatawan sa Kongreso ang mga pasahero ng iba’t ibang uri ng transportasyon.

At bilang kinatawan,  sila ang magre-resolba sa mga suliraning may kinalaman sa sektor ng transportasyon, tulad ng nangyaring suspensiyon ng cash subsidy sa mga kuwalipikadong driver beneficiaries.