POSIBLENG pagkalooban ng pamahalaan ng fuel vouchers ang mga mangingisda upang mapababa ang kanilang operating cost makaraang iulat ng mga manufacturer ng canned sardines na nananatiling mataas ang presyo ng isda.
Ayon kay Trade Secretary Ramon M. Lopez, hiniling ng kanyang ahensiya sa mga producer ng canned goods na i-rolbak ang kanilang presyo dahil tapos na ang holiday season. Gayunman, sinabi, aniya, ng canned sardines manufacturers na hindi nila ito magawa dahil sa mataas na presyo ng herring fish o tamban.
Ang tamban ang main input sa canned sardines, at bumubuo sa 47 porsiyento ng total production cost.
“We confirmed the fish input of canned sardines is still at P32 per kilo to P34 per kilo. It came from P19 per kilo, then P24 per kilo, [before hitting its current range],” wika ni Lopez.
Aniya, isa sa mga maaaring maitulong ng pamahalaan ay ang pagkakaloob sa mga mangingisda ng fuel subsidy sa pamamagitan ng vouchers upang mapababa ang kanilang operating cost.
“We will draw up a project with the BFAR [Bureau of Fisheries and Aquatic Resources] to be able to manage that. One of the considerations is fuel support [through] voucher system for fishermen to reduce their fishing cost even just a little,” ani Lopez.
Ang canned sardines ay nakarehistro bilang basic necessity sa ilalim ng suggested retail price (SRP) list. Sa SRP na ipinalabas ng Department of Trade and Industry (DTI) noong Disyembre ng nakaraang taon, nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng 10 sa 22 brands.
Lumilitaw na may average increase na P0.86 sa 10 brands ng canned sardines na nagtaas ng presyo noong holiday season.
Ang pinakamataas na price hike ay naitala ng Ligo sa P1.30, kasunod ang Hakata at Mega sa P0.85 per 155 grams. Samantala, ang mga tumaas ng P0.75 ay ang 155 grams ng Lucky 7, 555, Atami Green, Family Bonus Pack Plain, Family Regular Pack Plain, Master Green at Mikado.
Para sa iba pang canned goods, tanging ang Purefoods Star (155 grams), isang brand ng corned beef, ang tumaas ang presyo sa P1.
Samantala, nangako si Lopez na mahigpit na babantayan ng DTI ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa pagpapatupad ng ikalawang bugso ng excise tax sa petrolyo.
Tiniyak din niya sa mga mamimili na matatag ang presyo ng karamihan sa mga produkto na nasa ilalim ng SRP list, kabilang ang powdered milk, instant noodles at tinapay. ELIJAH FELICE ROSALES