GAB HANDANG TUMULONG SA US VISA NI ORCOLLO

SAMPAL sa lahing Pinoy ang pagdakip at pagdetine ng US Immigration kay Filipino world billiard champion Dennis ‘Robocop’ Orcollo.

Malungkot ang pagtanggap ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa masaklap na kapalaran ng bayaning atleta na napauwi ng wala sa panahon bunsod ng kawalan ng tamang dokumento.

Ayon kay Mitra, nakatanggap siya ng balita ang agad namang nakumpirma mismo sa pahayag ni Orcollo sa kanyang social media account, ang pagdakip ng US Immigration sa pool legend sa kanyang pagdating sa Los Angeles airport kung saan nakulong siya ng may 16 na oras bago ibiniyahe pabalik sa Pilipinas nitong Lunes.

“The GAB is very sorry to hear that our top professional billiard player and world champion has been detained in the US for overstaying beyond his visa expiration. We cannot blame Dennis Orcollo if he stayed much longer in the US due to the lack of tournaments in the country. GAB is more than willing to assist him in renewing his Professional Billiard Player License and make the endorsement to US embassy,” pahayag ni Mitra.

Iginiit ni Mitra na regular ang renewal ng pro license ni Orcollo sa mga panahong nananatili siya sa Pilipinas.

“Wala tayong problema sa ating mga billiards players with regards sa pag-secure ng kanilang mga lisensiya,” ayon sa dating Palawan governor at congressman.

Nitong 2020, sa kasagsagan ng pandemya sa bansa, kabilang si Orcollo sa ilang pro billiards players na tumulak sa US para lumahok sa US billiards tour kung saan namayagpag ang 43-anyos mula sa Surigao.

Tinagurian siyang ‘The Money Game King’ nang talunin ang Amerikanong si Shane Van Boening sa makapigil hiningang 120-119 panalo sa one-on-one 9-ball tournament sa loob ng tatlong araw sa Bill’s Bar and Billiards sa Oklahoma City noong 2020.

Nakatakda sanang sumabak si Orcollo sa serye ng torneo sa LA nang dakpin bunsod ng expired na visa.

“I had no idea what exactly rules of law in the US about my visa status. I need lawyer to help me out in my situation,” pahayag ni Orcollo sa kanyang FB post kung saan ikinuwento rin niya na hindi man lamang siya binigyan ng kahit anong pagkain at maiinon na tubig sa loob ng 16 oras na pagkadetine.

Hindi rin umano pinayagan si Orcollo na gumamit ng telepono upang maiparating sa kanyang kaanak at mga kaibigan sa US ang kanyang kalagayan.

“I used my phone only when I arrived in the Philippines,” ayon sa SEA Games at Asian Games champion.

“Charge to experience in my career what happened this time,” pahayag pa ng tinaguriang ‘Robocop’ at kasalukuyang No. 1 sa AZBilliards’ 2021 Money List tangan ang US$166,645 na napanalunan.

“For sure, I will miss a lot of events in the US. I have no idea when I can come back.”

Ayon kay Orcollo, puwede siyang makabalik sa US para maipagpatuloy ang career kung makakakuha siya ng athlete’s visa.

“We in the GAB are ready to lend a helping hand. Kung ano ang puwede naming maitulong, susuporta kami. Hopefully, after na makapagpahinga puwede niyang makausap ang aming legal team,” sambit ni Mitra.

Wala pang opisyal na pahayag sa kaganapan ang mother asscociation ni Orcollo na Billiards and Carom Association of the Philippines (BCAP).

Sa ngayon, batay sa dokumentong hawak ni Orcollo, banned siyang pumasok sa US sa loob ng limang taon maliban na lamang kung makakakuha siya ng athlete’s visa. EDWIN ROLLON