GAB HUMILING NG ‘URGENT DIALOGUE’ SA WBA

NABABAHALA ang Games and Amusements Board (GAB) sa serye ng kontrobersiya na kinasasangkutan ng Pinoy sa liderato ng World Boxing Association (WBA) kung kaya nanawagan si GAB Chairman Baham Mitra ng ‘urgent constructive dialogue’ upang talakayin at maresolba ang mga isyu na nakaapekto sa career at kabuhayan ng local fighters.

Sa isang liham kay WBA president Gilberto Jesus Mendoza na may petsang Enero 22, 2022, sinabi ni Mitra na ang serye ng mga hindi magandang pangyayari ay direktang nakaapekto hindi lamang sa propesyon ng mga Pinoy boxer, kundi  maging sa kanilang pinagkakakitaan.

“This is in reference to various issues, involving WBA fights, that have affected the Philippine boxing industry, in which, through this letter, we called the very attention of WBA for urgent constructive dialogue with us, the local boxing commission in the Philippines – the Games and Amusements Board (GAB),” pahayag sa sulat ng GAB na pirmado ni Mitra at copy furnished ang mga WBA official, kabilang si Carlos Chavez, ang WBA Championship Committee chairman.

Inilahad sa liham ni Mitra na ang Filipino boxer na si Vic Saludar ay nabigong maidepensa ang WBA minimumweight title laban kay Erick Rosa ng Dominican Republic noong Disyembre 21 sa isang kontrobersiyal na paraan dahil walang neutral na judge na itinalaga at lahat ng tatlong judges sa laban ay mula sa host country. Ang resulta ay isang split decision.

Sa naturang laban sa Round 9, malinaw na hinila pababa ni Rosa si Saludar ngunit tumawag ng knockdown si referee Guillermo Pineda laban sa Filipino fighter kaya naapektuhan ang scorecard, ani GAB. Mas malala pa, nabigo ang promoter na bayaran si Saludar ng kanyang buong premyo na US$35,000 gaya ng nakasaad sa kontrata pagkatapos ng laban. Ang insidente ay kalakip sa liham ng GAB.

Isang parehas na kaganapan ang nangyari noong  2019 nang matalo rin ang Pinoy boxer na si Arar Andales sa isang kontrobersiyal na desisyon nang ang isang lehitimong suntok laban kay Thai Niyomtrong ay idineklara bilang isang ‘aksidenteng suntok’ na nagresulta sa pag-iskor ng mga hurado pabor sa Thai fighter

Gayundin, hiniling ni Mitra ang agarang tugon sa liham na ipinadala niya sa dalawang magkahiwalay na petsa noong nakaraang taon sa WBA na kumukuwestiyon sa desisyon sa pagbawi kay Manny Pacquiao ng kanyang Super Champion belt ‘due to inactivity’.

Nakuha ng eight-division world champion ang titulo noong Hulyo 2019 bago tumama ang COVID-19 pandemic sa mundo na nagresulta sa pagsususpinde ng mga aktibidad at programa, kabilang ang sports.

“We hope that this suggested dialogue, which would spur prosperity, unity, and growth of professional boxing in the Philippines, and strengthen WBA roots in the Philippines, would be done in the most immediate time possible,” pahayag ni Mitra. EDWIN ROLLON