SA IKALAWANG pagkakataon, pinarangalan bilang ‘Commission of the Year’ ng World Boxing Council (WBC) ang Games and Amusements Board (GAB) sa ginanap na 59th Convention ng pamoso at pinakamalaking boxing association sa mundo nitong Miyerkoles sa Mexico City.
Sa harap ng mga opisyal at miyembro ng WBC, sa pangunguna ni president Mauricio Sulaiman, muling kinilala ang mga programa at inisyatibo ng GAB para maiangat ang katayuan ng Filipino boxers sa international community at maitaguyod ang kanilang seguridad at kabuhayan habang patuloy na lumalaban hanggang sa pagreretiro.
“This recognition is a fitting farewell and lasting legacy of President Rodrigo Duterte and the current GAB Board,” pahayag ni GAB Chairman Abraham Mitra sa kanyang acceptance speech na sinalubong ng dumadagundong na palakpakan mula sa mga opisyal at kinatawan ng may 161 miyembrong bansa.
Ito ang ikalawang ‘Commission of the Year award’ ng GAB sa ilalim ng pangangasiwa ng dating Palawan governor at congressman. Isang taon matapos italaga ng Pangulong Duterte sa posisyon, natanggap ng GAB ang parangal noong 2017 bunsod ng inilunsad na libreng medical, dental at CT scan sa mga boxer at combat sports practitioner.
Ang naturang programa ay ginamit mismo ng WBC bilang ‘blueprint’ para sa mga miyembrong bansa.
Sa naturang pagpupulong, pinapurihan ng WBC ang programa ng GAB para sa pagkakaloob ng tulong pinansiyal sa mga retiradong boxer, maayos na pangangasiwa sa ‘bubble’ setup bilang paglaban sa COVID-19 pandemic, pagsasagawa ng sports summit, gayundin ang pagbili ng hematoma scanner para sa maagang deteksiyon sa posibleng head injury ng mga fighter.
Pinasalamatan naman ni Mitra ang WBC sa pagbibigay parangal at pagkilala sa mga programa ng GAB.
“Nagpapasalamat po tayo sa WBC at talagang kinikila nila ang ating mga ginagawa sa GAB. Para po ito sa ating mga boxers. Ang parangal pong ito ay kontribusyon natin sa pagnanais ng pamahalaan na maitaas ang katayuan ng Pinoy boxers sa international community,” sabi ni Mitra sa isang post sa Facebook.
Hindi lamang si Sulaiman, kundi ang lahat ng dumalo sa pagtitipon ang napahanga nang iprisinta ni Mitra ang mga aktibidad ng GAB sa kabila ng restriktong pagkilos bunsod ng COVID-19 pandemic.
“GAB is ahead of the game,” naibulalas ni Dr. Paul Wallace, head ng WBC at California State Athletic Commission Medical.
“This new initiative of GAB to get brain scanners ahead of everyone is a trail blazing move and first in the history of world boxing,” pahayag naman ni Sulaiman. EDWIN ROLLON