WALA munang aksiyon sa Philippine Basketball Association (PBA), gayundin sa iba pang professional contact sports batay sa resolusyon na inilabas ng Games and Amusements Board (GAB) bilang pagtalima sa ipinatutupad na Alert Level 3 ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa National Capital Region (NCR) at mga karatig na lalawigan.
Batay sa ipinalabas na pahayag ng GAB na may petsang Enero 2, 2022 at nilagdaan nina Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra at Commissioner Eduard Trinidad, pansamantalang ipinatitigil ng ahensiya ang mga aktibidad sa contact sports tulad ng boxing, MMA, Muay Thai, kickboxing, basketball, volleyball at football sa loob ng panahong nakataas ang Alert Level 3.
Sa inilabas na resolution No. 155 ng IATF nitong Disyembre 31, 2021, itinaas ang Alert Level 3 sa NCR at ilang lalawigan matapos ang muling pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19, partikular ang mas madaling makahawang variant na Omicron.
“Health and security ang priority ng GAB para sa ating mga atleta, opisyal at iba pang personnel na involved sa mga liga at aktibidad ng ating mga pro leagues and other sports. Napagdaanan na natin ito before so balik lang uli tayo sa adjustment at kaunti pa uling sakripisyo,” pahayag ni Mitra.
“Papayagan natin ‘yung bubble set-up na ginawa na rin before but league officials need to seek permission to Local Government Units (LGUs) sa lugar na gagawin ang liga at activities. Of course, need pa rin na sumailalim sa strict health and safety protocols na batay naman sa Joint Admnistrative Order (JAO) na pinirmahan ng GAB, DOH at Philippine Sports Commission (PSC),” sabi ng dating Palawan governor at congressman.
“Meanwhile, individual workout and training shall be permitted,” paglilinaw ni Mitra.
Ayon kay Mitra, nakabatay ang pagbabalik ng aksiyon sa pro sports sa desisyon ng IATF kung kaya kagyat niyang hiningi ang pang-unawa sa mga apektadong atleta at mga personnel na nakataya ang kabuhayan sa pro sports.
“Alam natin ang pinagdadaanan ng ating mga boxers, fighters at iba pang athletes. Apektado ulit ang kanilang kabuhayan, kaya ngayon pa lang humingi na kami ng pang-unawa hindi natin ito gusto, ngunit kailangan nating maging maingat dahil mahirap ang magkasakit. Buhay natin ang nakataya sa virus na ito,” ayon kay Mitra.
Hiniling din ni Mitra ang kooperasyon ng lahat na sumunod sa mga panuntunan at ipinatutupad na health protocol para makaiwas sa hawaan at magresulta sa muling pagbaba ng bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-19.
“Kung wala pang bakuna, magpabakuna na po tayo. ‘Yung wala pang booster shot, kung may pagkakataon pumila na tayo. Huwag na munang maglalabas ng bahay kung hindi naman talaga importante ang gagawin sa labas,” pahayag ni Mitra.
Para sa non-contact sports tulad ng chess, cycling, e-sports at golf, pinapayagan ng GAB ang pagpapatuloy ng mga ito, ngunit kailangan ay nasa 30% lamang ang sangkot kung indoor game at 50% kung outdoor ang venue. Iginiit din ng GAB na kailangang fully-vaccinated ang mga individual na lalahok dito.
Para sa Off-Track Betting (OTB) ng horse racing, ipinaalala ng GAB na pinapayagan lamang na mag-operate ang mga OTB na may basbas ng kani-kanilang LGU, gayundin ang operasyon ay limitado lamang sa pagbebenta ng tiket at mahigpit na ipinagbabawal ang tambay. EDWIN ROLLON