(Gagamit ng sariling renewable energy) DAGDAG-INSENTIBO SA INVESTORS

BOI-INVESTMENT

MAGKAKALOOB ang Board of Investments (BOI) ng dagdag na insentibo sa registered projects na magsusuplay ng sarili nitong koryente sa pamamagitan ng pagtatayo ng sarili nitong renewable energy (RE) facility. 

Ayon kay Trade Undersecretary at BOI Managing Head Ceferino Rodolfo, in-update ng Memorandum Circular (MC) 2023-006 na nilagdaan noong nakaraang Oct.16 ang guidelines sa pagkakaloob ng mga insentibo sa energy efficiency and conservation (EE&C) projects sa ilalim ng special laws listing ng 2022 Strategic Investment Priority Plan (SIPP).

Sinabi ni Rodolfo na ang mga pagbabago sa BOI MC 2022-008 ay katuparan ng pangako ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa Tokyo noong nakaraang Pebrero na susuportahan ang Japanese firms at iba pang investors sa Pilipinas na magtatayo ng sarili nilang renewables facilities para suplayan ang kanilang sariling electricity demand.

Nakasaad sa MC na ang self-financed energy efficiency projects (EEP) ay karapat-dapat sa income tax holiday (ITH) incentive at duty exemption sa pag-aangkat ng capital equipment, raw materials at spare parts o accessories.

“The ITH incentive shall be limited to the prescribed ITH entitlement period under the CREATE (Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises) Act or until the recovery of 50 percent of its capital investment, excluding cost of land and working capital of the registered EEP, whichever comes first,” nakasaad sa MC. Noong Huwebes ay itinayo ng Japanese mechanical components at electronic devices manufacturer MinebeaMitsumi, Inc. ang sarili nitong solar power system sa pabrika nito sa Danao City, Cebu.

Ayon kay MinebeaMitsumi president and chief executive officer Tatsuya Mori, ang kompanya ay nag-invest ng P500 million para sa kanilang sariling ground-mounted solar power generation na may kapasidad na 7.9 megawatt hours (MWh).

“We are very happy to be the first case to have these incentives which can be applied for our own use in Danao,” sabi ni Mori.

Sa hiwalay na statement, sinabi ng Sharp Energy Solutions Corporation (SESJ), ang provider ng solar power system, na anf solar farm ay lilikha ng tinatayang 12,806 MWh clean energy kada taon, upang maging pinakamalaking self-financed renewables para sa sariling pagkonsumo sa hanay ng Japanese firms sa Pilipinas. “This equated to an annual reduction in greenhouse gas emissions of roughly around 6,833 tons of carbon dioxide per year,” dagdag ng SESJ.

Sinabi rin ni MinebeaMitsumi Cebu Plant director Caesar Augusto na ang power generation mula sa sarili nitong renewables ay magsusuplay ng 8 percent ng kabuuang electricity consumption ng pabrika. Plano rin, aniya, ng kompanya na gayahin ang proyektl sa dalawa nitong pabrika sa Luzon, na maaaring rooftop solar farms.

PNA