‘GAME CHANGER ASSETS’ NG AFP ISINALANG SA LIVE FIRE EXERCISE

NAGSAGAWA ng tatlong araw na live fire exercises ang Philippine Army Field Artillery Battalion para masubok ang bagong armas na pamuksa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Brgy. Talisawa, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur.

Isinagawa ang live fire test para sa bagong biling armas ng AFP, ang truck mounted 155 Howitzers bilang bahagi rin ng pag-aaral ng Field Artillery Battalion.

Ayon kay Lt. Col. Chamberlain Esmino, Commander ng 10th Field Artillery Battalion na ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pagtatapos ng 10FAB Battalion Organizational Training na mangangasiwa sa nasabing 155 Self-Propelled (ATMOS 2000) Howitzers

Napag-alaman na walo sa labindalawang mga 155mm (ATMOS 2000) Self-Propelled Howitzers ang dinala sa Mindanao noong ika-29 ng Setyembre ng kasalukuyang taon na ang pangunahing layunin ay sugpuin ang terorismo at insurhensiya sa ilang bahagi ng lalawigan.

Tiniyak naman ng pamunuan ng 6ID na inabisuhan muna ang lugar na pinagdausan ng live fire exercises ng nasabing ‘game changer assets’ ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

Pinasalamatan ni Col. Francis Anthony Coronel ang Army Artillery Regiment Commander si Hon. Al Wali Mangudadatu, ang mayor ng bayan ng DAS sa malugod na pagpapaunlak sa aktibidad at pagsagawa ng live fire exercises sa naturang bayan at ang ilang mga kagawad naman ng media ang sumaksi rin sa pagpapaputok ng nasabing armas.

Ayon kay Maj.Gen. Roy Galido, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central na ang ATMOS ang pinakamalaking baril sa Army Arsenal ngayon.

“With automatic loading and a digital fire control, it can deliver accurate fires to a range of up to 41 kilometers, bagay na tinaguriang ‘game-changer’ assets ng ating hukbo bilang suporta sa mga ginagawa nating military operations sa Central at South-Central Mindanao”, giit pa ni Galido. VERLIN RUIZ