NANAWAGAN si Senador Sonny Angara sa administrasyon na gawin nito ang lahat ng hakbang upang mapanagot ang mga nasa likod ng “ghost dialysis scandal” na umano’y kinasasangkutan ng mga clinic at ng PhilHealth.
“Sa mga ganitong usapin, kailangan nating magpatupad ng mga batas na katatakutan at magpapataw ng kaukulang parusa sa mga may sala. Ito ay para matiyak na hindi na mauulit ang ganitong uri ng anomaly,” ani Angara sa isang panayam sa programang The Source ng CNN Philippines.
Bilang isa sa mga awtor ng Universal Health Care Act na kamakailan lamang ay isinabatas at pinagtibay ni Pangulong Duterte, ikinalulungkot ni Angara ang kontrobersiyang bumabalot ngayon sa PhilHealth na aniya’y hindi lamang ilegal kundi napaka-imoral.
Ani Angara na liban sa maaapektuhan ang pagpapatupad ng universal healthcare sa katiwaliang ito, tila nabalewala rin ang pinagsikapan nilang pagpapasa ng dagdag buwis sa sigarilyo na ang isa sa mga pangunahing layunin ay ilayo sa karamdaman ang mamamayan.
“Kaya natin ipinasa ‘yun (tobacco excise tax bill) para sa universal health care, so bibigyan natin ng mas maraming pera tapos magkakaroon lang pala ng anomalya,” pagdidiin ng senador.
Dagdag pa nito, kasumpa-sumpa ang korupsiyon sa gobyerno, partikular ang pandarambong sa pondong dapat sana ay inilaan sa dialysis ng kidney patients.
Naniniwala si Angara, hangga’t hindi nagpapatupad ng institutional reforms ang gobyerno sa mga ahensiyang madalas masang-kot sa korupsiyon, hindi matitigil ang mga iregularidad sa mga ito.
Dagdag pa ni Angara, kailangan ng gobyerno ng magagaling at dekalidad na fraud investigators para mabulgar kung sino-sino ang maaaring kasabwat ng mga ospital at wellness centers mula sa PhilHealth.
“Dapat imbestigahan kung bakit may overclaims. Ang ibig sabihin nito, wala talagang pasyenteng nag-dialysis, pero binayaran nang buo ang proseso. Minsan, ang ginagawa pa nila, kahit ubo lang ang sakit ng pasyente, ina-upgrade nila ito sa pneumonia para mas mataas ang claims. Lumalabas, dapat na P2,000 lang ang babayaran ng PhilHealth, nagiging P15,000. Posible, meron talagang abutan na nangyari under the table,” ani Angara. VICKY CERVALES
Comments are closed.