IGINIIT ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na walang kakapusan sa suplay ng tamban sa merkado, taliwas sa sinasabi ng ilang grupo ng mga mangingisda.
Sinabi ni BFAR spokesperson Nazario Briguera na ang sufficiency level ng tamban noong unang quarter ay mahigit 200 porsiyento habang sa second quarter ay nasa mahigit 400 porsiyento.
“Unang-una, ito ay isang alegasyon na diumano’y magkukulang ang supply ng tamban… Straightforward natin pong sasabihin wala po tayong kakulangan sa supply ngayon ng tamban,” aniya.
Nang tanungin tungkol sa ulat sa kakulangan ng tamban sa isang palengke, sinabi ni Briguera na ibeberipika muna ito ng BFAR dahil sa kanilang datos ay walang kakulangan sa supply ng tamban.
Ayon kay Briguera, maaaring naapektuhan ng masamang panahon ang mga aktibidad ng pangingisda na nakaapekto sa suplay ng tamban.
LIZA SORIANO