Ayon kay Lando Marquez, presidente ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), bagama’t sang-ayon sila na ang pagbaba ng presyo ng langis ay dapat magresulta sa bawas-singil sa pasahe, ang gawin ito ngayon ay magdudulot lamang ng pagkalugi sa transport sector.
Sa pagtaya ng LTOP, ang kasalukuyang jeepney fare na P11 na ipinatupad noong Hulyo ay itinakda sa P50-per-liter fuel prices.
Gayunman, ang presyo ng diesel, kerosene at gasolina sa kasalukuyan ay nasa mahigit P70 kada litro.
“Anlayo pa doon sa aming isinasakripisyo. Kaya kami, hindi naman sa sinasabi na ayaw namin magbaba. Gusto namin magbaba.
Kaso nga tingnan ninyo naman ‘yong itsura ng computation,” ani Marquez.
“Hindi lang sa fuel, magkuwenta na tayo sa bigas. Magkuwenta na tayo sa galunggong. Magkuwenta na tayo sa baboy na binababoy ang presyo.”
Dagdag pa niya, kung ang fare adjustment formula na itinakda ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong 2019 ang susundin, ang pasahe sa jeepney ay naglalaro dapat ngayon sa P16 hanggang P18.