MAINIT ang naging simula ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Qualifiers nang tambakan ang Indonesia, 100-70, sa Britama Arena sa Jakarta noong Linggo ng gabi.
Mula sa three-point lead sa kalagitnaan ng third period, kumawala ang Nationals tungo sa 30-point victory sa impresibong simula sa Group A play ng 24-team qualifying event.
Ang susunod na window ay nakatakda sa Nobyembre kung saan makakasagupa ng Gilas ang South Korea at Thailand. Hindi pa rin matiyak kung kailan lalaruin ang nakanselang Gilas-Thai game dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang Indonesians ay may 0-2 simula kung saan natalo sila sa back-to-back home games sa South Korea at Philippines.
Tulad sa kanilang laro laban sa Koreans, ang Indonesians ay matikas na nakihamok sa kaagahan ng game, kung saan dumikit sila sa mga Pinoy sa unang 25 minuto ng laro.
Subalit walang nakapigil sa Gilas nang magsanib-puwersa sina Thirdy Ravena, RR Pogoy, Kiefer Ravena at CJ Perez sa pananalasa.
Nanguna si Thirdy na may 23 points, 8 rebounds at 3 assists sa 23 minutong paglalaro.
Nagpasabog si Pogoy ng limang three-pointers at tumapos na may 16 markers, 6 rebounds, 2 assists at 1 steal, habang nag-ambag sina Perez at Kiefer ng 11 at 10 points, ayon sa pagkakasunod.
Si Gilas neophyte Juan Gomez De Liano ang ika-5 player na nagposte ng double figures na may 10 points sa 4-of-6 field goals at isang charity.
Comments are closed.