NANATILING walang panalo ang Gilas Pilipinas Boys sa FIBA U17 World Cup makaraang tambakan ng powerhouse Spain, 96-34, noong Linggo sa Istanbul, Turkey.
Nahulog ang tropa ni head coach Josh Reyes sa 0-2 sa torneo habang napanatili ng world no. 2 Spanish side ang kanilang malinis na kartada sa 2-0 sa Group A kasama ang Lithuania. Ang Puerto Rico, na makakasagupa ng Pilipinas ngayong Martes, ay wala pa ring panalo sa 0-2.
Tanging si Joaquin Gabriel Ludovice ang nakaiskor ng field goal sa opening frame, na tinapos ng Spain na may 30-2 lead bago naitala ang 57-13 kalamangan sa break.
Tinangka pa rin ng mga Pinoy, na patuloy na hindi kasama si injured star Kieffer Alas, na humabol sa likod ni Bonn Ervin Daja, subalit masyadong malakas ang Spain para sa Gilas tungo sa magaan na panalo.
Si Daja ang tanging player sa koponan na nagtala ng double digit scoring, tumapos na may 12 points na sinamahan ng 5 rebounds.
Ang Gilas ay unang natalo sa Lithuania, 107-48.
Apat na Spanish players ang umiskor ng double digits, sa pangunguna nina Maximo Garcia-Plata at Guillermo Del Pino na nagbuhos ng 15 at 14 points, ayon sa pagkakasunod, habang ang una ay nagtala rin ng 7 rebounds, 9 assists, at 1 block.
Nag-ambag sina Ignacio Campoy at Eric Del Castillo ng tig-13 points.