GILAS GIRLS SINUNGKIT ANG FIBA U18 WOMEN’S ASIA CUP DIVISION B CROWN

UMAKYAT ang Gilas Pilipinas Women’s Under-18 basketball team sa FIBA U18 Women’s Asia Cup Division A.

Nakuha ng mga Pinay ang promotion makaraang madominahan at makaulit sa Lebanon, 95-64, sa kanilang Division B Finals clash noong Linggo sa Futian Sports Park sa China.

Nanguna si Alyssa Rodriguez para sa Julie Amos-coached squad na may 22 points, 18 ay nagmula sa 6-of-10 shooting mula sa three-point area, 3 steals, 1 assist, 1 block, at 1 rebound.

Nagposte si Alicia Villanueva ng 15 points, 3 dimes, 3 steals, at 2  boards, nakalikom si Naomi Panginiban ng 13 points, 4  assists, 3  steals, at 2 rebounds, habang umiskor sina team captain Ava Fajardo at Sophia Canindo ng tig-10.

Nagposte rin sila ng 15 three-pointers sa 39 attempts (38.5%) at nagpamalas ng matinding depensa na nagresulta sa paggawa ng Lebanon ng 31 turnovers.

Ito ang ika-4 na sunod na panalo ng Gilas girls sa parehong dami ng laro, makaraang gapiin ang Maldives at Lebanon sa group stage at ang Samoa sa semifinals.

Nanguna si El Ghali para sa Lebanon na may  31 points, 15 boards, at 5  dimes subalit may 7 turnovers, habang nag-ambag si Maygen Naassan ng  19 points, 6 assists, 5 rebounds, at 4  blocks ngunit may 6 turnovers.

Samantala, tinalo ni Samoa ang Iran sa  Battle for Third Place game, 64-59.