GILAS KINAPOS SA TURKEY

SUMANDAL ang Turkey sa kanilang mainit na long-range game upang pataubin ang Gilas Pilipinas sa kanilang friendly Biyernes ng umaga sa Istanbul. (Photo courtesy of Türkiye Basketbol Federasyonu)

HINDI sumapat ang lakas ng Gilas Pilipinas laban sa hot-shooting Turkey team at nalasap ang 84-73 pagkatalo sa kanilang friendly Biyernes ng umaga sa Besiktas Akatlar Culture and Sports Complex sa Istanbul.

Nakalayo ang Dev Adam sa mga Pinoy  sa likod ng kanilang clutch shooting mula sa arc, kung saan kumana sila ng 14-of-41, kabilang and 5-of-9 ni 6-foot-7 Tarik Biberovic, na pinangunahan ang host country na may 23 points.

Ang kanyang huling  three pointer sa laro ang nagselyo sa panalo ng Turkish side, 81-73.

Nanguna si Justine Brownlee para sa Gilas na may 21 points subalit  1-of-7 lamang mula sa deep at nagtala ng anim na turnovers.

Kumamada si June Mar Fajardo ng double-double na 17 points at  11 rebounds para sa national team, na sumalang sa una sa kanilang dalawang tune-up games bago magtungo sa Riga, Latvia para sa Olympic Qualifying Tournament.

Wala nang ibang players ang tumapos sa double figures para sa Gilas bukod kina Brownlee at Fajardo, kung saan nagdagdag si Carl Tamayo ng pito, ang parehong output ni young big man Kai Sotto, na na-foul out sa huling 2:35 ng laro.

Napanatili ng Gilas na dikit ang laro sa ilang pagkakataon laban sa Turkey team na naglaro na wala ang  players nito mula sa NBA, bagama’t si  Osman Cedi ng San Antonio Spurs ay nasa courtside upang panoorin ang laro.

Ang visiting team ay naghabol sa 42-40 sa half at sa 64-56 papasok sa fourth.

Bumanat ang mga Pinoy ng 11-4 run, tampok ang nag-iisang basket ni Brownlee mula sa long range upang magbanta sa 68-65.

Sumagot ang Turkey, ranked no. 24 sa mundo at ginagabayan ni three-time Euroleague champion Ergin Ataman, sa pag-iskor ng 8 unanswered points upang ibalin ang 76-65 bentahe.

Kumana si shooting guard Furkan Korkmaz ng perfect 9-of-9 mula sa foul line upang tumapos na may 12 points para sa Turkish, na naghahanda para sa  Euro Basket qualifiers.

Bibiyahe ang Gilas patungong Poland at makakaharap ang world no. 15 sa Linggo para sa kanilang huling  tune-up match bago ang  OQT.

Iskor:

Turkey (84) — Biberovic 23, Korkmaz 12, Sanli 9, Sipahi 9, Osmani 8, Ozdemiroglu 7, Haltali 6, Kabaca 3, Yilmaz 3, Bas 2, Yasar 2, Ilyasoglu 0.

Philippines (73) — Brownlee 21, Fajardo 17, Sotto 7, Tamayo 7, Newsome 5, Ramos 4, Aguilar 4, Perez 3, Oftana 3, Quiambao 2, Amos 0.

QS: 24-21; 42-40; 64-56; 84-73.