SUSUBUKAN ng bisitang Taiwan Mustangs ang lakas at tapang ng Gilas Pilipinas team na sasabak sa FIBA Olympic Qualifying Tournament, ngayong Lunes.
Maghaharap ang dalawang koponan sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa isang friendly na bubuksan sa publiko ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Katatapos lamang ng nationals sa kanilang tatlong araw na closed-door training camp sa Inspire Sports Academy sa Laguna bilang paghahanda para sa July 2-7 Paris Olympic qualifier sa Latvia.
Ang Mustangs, na kasalukuyang kumakampanya sa The Asian Tournament, ay ginagabayan ni dating Rain or Shine mentor Chris Gavina at pinangungunahan nina ex-PBA players Alex Cabagnot at Rashawn McCarthy kasama si import, veteran 7-foot-6 Sam Deguara.
Nauna rito ay nakuha ng Taiwan-based team ang playing rights kina dating NBA stars Dwight Howard, DeMarcus Cousins, at Quinn Cook, subalit hindi pa sila makapaglalaro para sa Mustangs.
Magkakasya si head coach Tim Cone sa hindi kumpletong roster para sa qualifier dahil hindi makapaglalaro sa torneo sina Scottie Thompson, AJ Edu, at Jamie Malonzo sanhi ng injuries.
Ang laro kontra Mustangs ang magiging tanging tune-up match ng Gilas sa home soil dahil aalis na ito patungong Europe sa Martes para sa pares ng exhibition matches.
Makakasagupa ng mga Pinoy ang Turkey sa June 27 na susundan ng Poland sa 29th.
Mula roon ay tutuloy sila sa Latvia para sa qualifiers, kung saan una nilang makakabangga ang host country sa July 3, na susundan ng Georgia sa susunod na araw.