KINAPOS ang fourth-quarter comeback ng Gilas Pilipinas, sa pangunguna ni Justin Brownlee, laban sa Poland sa kanilang friendly Linggo ng madaling araw.
KINAPOS ang paghahabol ng Gilas Pilipinas at yumuko sa Poland, 82-80, sa pagtatapos ng kanilang two-game friendlies para sa nalalapit na FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Natahimik ang national team sa simula ng final quarter, hinayaan ang host team na bumanat ng 9-0 run at pinalobo ang two-point lead sa 67-56 upang makontrol ang laro na idinaos sa lungsod ng Sosnowiec.
Umabot ang kalamangan sa 76-62, bago nagbanta ang Gilas sa likod ng maiinit na kamay ni Dwight Ramos upang ilagay ang talaan sa 82-77, may 1:41 ang nalalabi sa laro.
May tsansa si Chris Newsome na mailapit pa ang mga Pinoy sa final minute, subalit na-split lamang ang kanyang charities at sinelyuhan ng Polish, ranked no. 15 sa mundo, ang panalo.
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng koponan sa loob ng tatlong araw makaraang malasap ang 84-73 defeat sa Turkey noong Biyernes sa Istanbul. Aalis ngayon ang mga Pinoy patungong Riga, Latvia para sa Paris Olympic qualifiers.
Nagbuhos si Justine Brownlee ng game-high 30 points para sa Gilas, na mas maganda ang shooting mula sa floor sa 52 percent (32-of-61) at na-outrebound ang kalaban, 42-21.
Subalit gumawa ang Gilas ng 23 turnovers kumpara sa 13 ng Poland, habang bumuslo lamang ng 9-of-14 mula sa foul line kung saan ang host country ay perfect 15-of-15.
Ang Polish ay mayroon ding 15 steals habang ang Gilas ay may 9.
Tumapos si Ramos na may 16 points, 9 rebounds, 5 assists, at three steals, nagdagdag si June Mar Fajardo ng 10 points, at nagtala si frontcourt partner Kai Sotto ng 8 points at 11 rebounds.
Si Michal Sokolowski ay 3-of-4 mula sa deep upang pangunahan ang Poland na may 21 points, habang nagposte si Jeremy Sochan, ang 21-year-old forward ng San Antonio Spurs, ng 8points at 4 rebounds sa 12 minutong paglalaro.
Mainit ang simula ng Gilas at umabante sa 23-16 sa first quarter, bago nag-init ang Poland sa second period upang kunin ang three-point lead sa break, 41-38.
Iskor:
Poland (82) –– Sokolowski 21, Balcerowski 10, Pluta 8, Sochan 8, Ponitka 7, Zyskowski 6, Dziewa 5, Milicic 5, Michalak 5, Niziol 5, Mazurczak 2, Zolnierewicz 2.
Philippines (80) — Brownlee 30, Ramos 16, Fajardo 10, Sotto 8, Newsome 6, Aguilar 4, Tamayo 4, Perez 2, Oftana 0, Quiambao 0.
QS: 16-23; 41-38; 58-56; 82-80.