MAGIGING panauhin sa Philippine Sportswriters Association (PSA) weekly Forum ang Gilas Pilipinas girls team na na-promote sa FIBA U-18 Asia Cup sa session nito ngayong Martes sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
Bibisita si coach Julie Amos at ang iba pa sa koponan na pinangungunahan ni captain Ava Fajardo sa public sports program, kasama si consultant at Gilas Pilipinas women’s coach Pat Aquino, na galing sa matagumpay na kampanya sa Asia Cup tournament sa Shenzhen, China kung saan na-promote sila sa Division A.
Sinikwat ng Filipina cagebelles ang Division B crown kasunod ng four-game sweep sa meet, tampok ang 95-64 panalo laban sa Lebanon sa finals sa Futian Sports Park.
Ang koponan ay bumalik sa bansa Martes ng umaga.
Ang journey ng koponan ay nagsimula rin sa PSA Forum kung saan naging panauhin sila noong nakaraang buwan habang naghahanda ang koponan sa kanilang kampanya sa SEABA U18 tournament sa Ratchaburi, Thailand na nagsisilbing qualifier sa Asia Cup.
Itinataguyod ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT, at ArenaPLus, ang 24/7 sports app sa bansa, ang programa ay magsisimula sa alas-11 ng umaga.
Hinihikayat ni PSA President Nelson Beltran, sports editor ng The Philippine Star, ang mga miyembro na dumalo sa session na naka-livestream din via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation.
Ang Forum ay mapakikinggan din sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2 at isini-share sa official Facebook page Radyo Pilipinas 2 sports.