OO, INAAMIN ko na nalungkot ako sa balita na hindi na sasali ang Filipinas sa basketball sa nalalapit na Asian Games. Bilang isang mahilig sa basketbol at dating manlalaro ng aking paaralan noong kabataan ko, nakapanghihinayang na ang Filipinas, na itinuturing na isa sa mga power team ng Asian basketball, ay hindi makikita sa Asian Games.
Subalit, matapos magpaliwang si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio at ang kanilang chairman emeritus na si Manny Pangilinan, aking napagtanto na tama ang kanilang desisyon na huwag magpadala ng koponan sa 18th Asian Games. Alam naman natin lahat na halos kalahati ng mga manlalaro ng Gilas Pilipinas ay nasuspinde ng ilang laro dahil sa rambol na naganap kamakailan laban sa Australia.
Naghanap naman ng solusyon ang SBP. Nag-isip sila ng kapalit sa mga suspendidong manlalaro ng Gilas. Ang PBA ay nagpahiwatig din na tutulong upang makahanap ng solusyon sa nasabing krisis. Ito ay kung papaano makabuo ng isang koponan na malaki ang pag-asa na lumaban sa kampeonato. Isa sa panukala ay ang koponan ng Rain or Shine bilang kapalit ng ating national team. May teamwork na sila. Kinuha nila bilang national coach si Yeng Guiao. Ok ‘yan. Isa siyang magaling at matalinong coach. Makabayan at handang mag-alok ng kanyang serbisyo alang-alang sa bayan. May hiling lamang si coach Guiao. Humiling siya ng ilang manlalaro sa PBA na isali sa national team na mula sa ibang koponan ng PBA. Hindi sila napagbigyan dito.
Ito ang hudyat ng pagdedesisyon ng SBP na huwag na lang lumahok. Tama. Bakit ka magpapadala ng hilaw na koponan sa Asian Games? Ito ay isang prestihiyosong torneo na dapat lamag ang pinakamagaling at piling manlalaro ng bansa ang ipadadala. May kasabihan na, “Hindi dapat na puwede na…dapat ay puwedeng-puwede”! Sabi nga ni MVP, “Damn if you do, damn if you don’t”. May bumabatikos sa kanilang desisyon dito.
Subalit kung nilampaso naman ang PH team sa Asian Games, batikos din ang aabutin nila. Haaaay.
Tama rin ang paliwanag ni Panlilio, ang pamamalakad ng Gilas Pilipinas ay long term at hindi short term. Ang hindi paglahok sa Asian Games ay isang lubak lamang sa mahabang daan na tatahakin nila. Alam naman ng international community kung bakit wala tayong representante sa basketbol. Alam nila ang desisyon ng FIBA laban sa Gilas. Kulang ang manlalaro natin na papantay sa kalibre ng mga magagaling na koponan mula sa China, Iran, South Korea, Japan at Lebanon sa Asian Games. Magpakatotoo tayo.
Kaya tama na ang sisihan. Tapusin na lang natin ang ilang larong suspensiyon ng mga manlalaro ng Gilas. Respetuhin natin ang desisyon ng SBP. Hindi natin makukuwestiyon ang malasakit at paghihirap nila sa pagsuporta, gastos at pamamalakad ng basketball program ng Filipinas. Hindi biro ito. Tanungin pa ninyo si dating Ambassador Danding Cojuangco.