HIHINTAYIN muna ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na matapos ang Philippine Cup semifinals bago pangalanan ang mga PBA player na makakasama sa Gilas Pilipinas pool para sa fourth window ng FIBA World Cup qualifiers.
Sinabi ni SBP spokesperson Renauld ‘Sonny’ Barrios na nabuo ang desisyon kasunod ng pakikipag-usap kay national team coach Chot Reyes at sa kanyang staff, at binigyang-diin na mas makabubuti na isagawa ang anunsiyo sa sandaling matapos ang pares ng nagpapatuloy na semifinals series.
Ang all-Filipino Cup semis ay nasa kalagitnaan na tampok ang bakbakan ng Magnolia at defending champion TNT, at ng top seed San Miguel kontra Meralco.
“Hindi muna natin ire-release ‘yung pool until after the semifinals para hindi ma-distract ‘yung mga naglalaro pa,” sabi ni Barrios.
Subalit inanunsiyo niya sa online Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ang mga pangalan ng non-PBA players na kabilang sa Gilas coaching staff sa training pool para sa August 25-29 window na pangungunahan ni naturalized player Jordan Clarkson.
Makakasama ni Clarkson sina Dwight Ramos, Ray Parks Jr., Kiefer at Thirdy Ravena, Carl Tamayo, Francis Lopez, at Kevin Quiambao.
Subalit mayorya ng pool ay magmumula sa PBA side, lalo na sa 10 koponan na hindi maglalaro sa nalalapit na best-of-seven finals.
“PBA players ang nakararami sa pool na tinitingnan. ‘Yan ang sa ngayon ang pinag-tutuunan natin ng pansin,” sabi Barrios, na siya ring SBP executive director, sa weekly Forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Amelie Hotel Manila, Unilever, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Makakaharap ng Gilas Pilipinas ang FIBA Asia Cup runner-up Lebanon sa Beirut sa 25th, at pagkatapos ay magiging hosts sa Saudi Arabia sa 29th sa Mall of Asia Arena.
Idinagdag pa ni Barrios na nakikipag-usap pa ang SBP kay young big man Kai Sotto, na nakatakdang maglaro ng isa pang season sa Adelaide 36ers sa NBL Australia.
“Gusto niyang lumaro sa Gilas, but we’re still talking to him,” anang SBP spokesperson. “Nawa’y maging positive ang sagot ng kampo ni Kai sa ating panawagan.”