GILAS SUSUBUKAN ANG LAKAS NG TURKEY

MAKAKASAGUPA ng Gilas Pilipinas ang Turkey sa una sa dalawang  first friendlies na nakatakda bago ang kanilang kampanya sa Olympic Qualifying Tournament.

Sinabi ni coach Tim Cone na ang  back-to-back tune-up matches ay makatutulong sa national team para makita kung nasaan na ito ngayon sa kanilang paghahanda para sa qualifiers na nakatakda sa susunod na linggo.

Naniniwala si Cone na hindi pa consistent ang Gilas base sa resulta ng naunang  friendly nito laban sa bisitang Taiwan Mustangs.

Tinalo ng nationals ang Mustangs, 74-64, noong Lunes ng gabi sa Philsports Arena.

“I hope to see improvement, I hope to see us get better on both sides of the ball. We didn’t play as sharp as we wanted,” sabi ni Cone matapos ang laro.

Ang Philippines-Turkey friendly ay nakatakda sa Biyernes, ala-1 ng umaga, sa Istanbul.

Ang 12 Dev Adam (12 Giant Men), ranked no. 24 sa mundo, ay hindi lalaro sa qualifiers ngunit tinanggap ang friendly kontra Gilas bilang paghahanda sa idinadaos na  EuroBasket qualifiers.

Sa tingin ni Cone ay hindi gagamitin ng Turkish team ang ilan sa kanilang NBA players sa tune up match, kabilang sina  veteran Cedi Osman, Onuralp Bitim, Furkan Kurkmaz, Alperen Sengun, at  Omer Yurtseven.

“Turkey is no. 24, but they’re much better if their NBA guys show up,” sabi ng Gilas coach.

“I don’t know if their NBA guys are gonna show up because they’re not preparing for the OQT (in Valencia, Spain). Turkey’s just preparing for the Euro qualifiers.”

Sa kabila nito ay malakas pa rin ang Turkey na ipaparada ang pares ng 7-footers sa katauhan nina Ercan Osmani at Sertac Sanli.

Matapos ang Turkey, haharapin ng Gilas ang no. 15 Poland sa June 30. Tulad ng mga Pinoy, ang Polish ay sasabak sa Valencia, Spain OQT kung saan nasa Group B sila kasama ang Finland at Bahamas.

Ang Gilas ay dumating sa Turkey noong Miyerkoles ng umaga at sumalang sa kanilang unang practice session sa Turkish Airlines Arena.